Nasagip ng mga otoridad ang 22 masahista kabilang ang limang pinaniniwalaang menor de edad sa isang spa sa Kamias Road Quezon City kagabi.

 

 

Ang singil ng spa ay P500 para sa gustong magpamasahe, pero may iniaalok pala silang "extra service" na aabot sa hanggang P4,000.

Nagpanggap ang operatiba na kostumer at kita sa cellphone video na nakuha na iniabot ang P8,000 sa isa umanong bugaw.

Doon na pinasok ng mga pulis ang spa.

Naabutan sa ikatlo at ikaapat na palapag ang ilang masahista sa loob ng kwarto. Ang isang lalaki ay naka-underwear lang.

Inaresto ang sinasabing may-ari ng spa at ang tumanggap ng pera.

Ikinasa ang operasyon matapos matanggap ng Women and Children Protection Center ng Camp Crame ang mga reklamo na ipinadala sa Commission on Filipinos Overseas.

Abril pa isinailalim ng mga otoridad sa surveillance ang spa at nagpositibo na may mga masahistang menor de edad.

Itinanggi naman ng mga masahista na nag-aalok sila ng extra service.

Kinunan ng impormasyon ang mga nasagip na masahista habang ituturnover sa DSWD ang mga mapapatunayang menor de edad.

Mahaharap naman ang may-ari ng spa at bugaw sa kasong paglabag sa Anti-Trafficking in Persons Act.

Ang human trafficking ay isang krimen na may parusa na habambuhay na pagkakakulong.

Sa pagdiriwang ng World Day Against Trafficking in Persons sa July 30, nakasentro ang tema sa pagresponde sa mga bata na nabibiktima ng human trafficking. — BAP, GMA News