Sumuko na ang pulis na nakitang nanampal ng bus driver sa isang video na nag-viral sa social media, ayon sa ulat ni Sam Nielsen sa Dobol B sa News TV nitong Huwebes.
Nasa kustodiya na ng Parañaque Police si SPO1 Edmar Costo, isang bagong opisyal at patroller ng PCP 1, na boluntaryong sumuko nang pinatawag ng kanyang himpilan.
FLASH: Pulis na nanampal ng bus driver na nag-viral sa social media, sumuko na sa NCRPO. | via @dzbbsamnielsen pic.twitter.com/93rgunTC0N
— DZBB Super Radyo (@dzbb) July 26, 2018
Kita sa video ang pananampal ni Costo kay Joel Mametis, driver ng Valisno Express Bus na may plate number TXV220, habang kinukuha ni Costo ang lisensya nito.
Nangyari ang insidente noong alas-singko y medya ng Miyerkules sa Roxas Boulevard sa may Baclaran, kung saan nagmamando ng trapik si Costo nang masita niya si Mametis sa pagbubuhol umano nito ng trapik.
Habang nagmamatigas daw ang tsuper, tumatawa pa raw ito at nagsambit daw ng masasakit na salita kay Costo habang sinabihan si Mametis ng kanyang kundoktor na bigyan na lamang ang pulis ng P100.
Mismong sa harap ni Southern Police District (SPD) Chief Superintendent Tomas Apolinario Jr. at National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Superintendent Guillermo Eleazar sinabi ni Costo na binigay daw ni Mametis ang lisensya na may lukot na pera.
Hindi na raw nakapagtimpi si Costo sa puntong ito at sinampal na niya si Mametis gamit ang lisensya nito.
Tinanggal na si Costo sa kanyang posisyon habang naghahandang sampahan siya ng kasong simple misconduct at slight physical injury ni Mametis. — Rie Takumi/RSJ, GMA News
