Patay ang isang babae sa pamamaril sa Taguig City maaga nitong Biyernes at patuloy pang inaalam ng mga pulis ang motibo sa krimen.
Ayon sa ulat ni Sam Nielsen sa Dobol B sa News TV, sinabing nangyari ang pamamaril sa panulukan ng Road 10 at A. Reyes Street, Purok 3 ng Barangay Lower Bicutan sa lungsod ng Taguig.
Kinilala ang biktima na si Janet Diones, 39, at ang suspek na lalaki na kinilala lamang sa alyas "Muds."
Ayon sa paunang imbestigasyon ng mga pulis, nag-uusap lamang umano ang dalawa sa daan nang bigla na lamang barilin ng suspek ang biktima.
Kilala umano ang dalawa na sangkot sa iligal na droga sa nasabing barangay.
Samantala, isang babae rin ang binaril at napatay noong Huwebes ng gabi sa Hagonoy sa Taguig City din.
Pinasok umano ang biktima ng kaniyang kasintahan at bigla na lamang itong binaril.
Patuloy ang imbestibasyon ng mga pulis sa dalawang magkasunod na insidente. —LBG, GMA News
