Nakatakdang magbigay-pugay si Pope Francis nitong Sabado sa isang yumaong lalaking dating lasinggero, ngunit ngayo'y nasa proseso na ng pagiging santo.
Si Matt Talbot ay ipinanganak sa Dublin, Ireland noong 1865, at minsan na ring tinawag na "Holy Drinker." Namatay siya noong 1925.
Sa ulat ng Reuters, sinabing magdadasal si Pope Francis sa mga relikya ni Talbot, na kilala bilang patron ng mga nahihirapang kumawala sa bisyo ng alak.
Ipinanganak sa isang mahirap na pamilya at kabilang sa 12 na anak ng isang bayolente at lasinggerong ama.
Nagsimula ang sobrang pag-iinom ni Talbot sa edad 12 noong nagtrabaho siya para sa isang merchant ng alak.
Ayon sa isang rekord, ibinenta pa ni Talbot noon ang kanyang bota para lang siya maka-order ng isang pint ng alak sa isang pub.
Ngunit sa tulong ng isang pari, nangako si Talbot na talikuran ang kanyang pagiging lasenggo sa edad na 28 at huwag tumikim kahit isang patak, hanggang sa atakihin siya sa puso noong 1925 sa edad na 69.
Naging mananampalataya si Talbot, laging dumadalo sa Misa at nagpepenitensiya, tulad ng pagsabit ng maliit na kadena sa kanyang binti. Ikinampanya na rin ang temperance o pagpipigil.
Sa tulong din ng isang propesor ng pilosopiya, binasa ni Talbot ang bibliya at mga sulatin ng mga santo at kalauna'y naging miyembro ng brotherhood ng mga Franciscan.
Ipinangalanan sa kanya ang isa sa mga tulay sa Ilog Liffey, at maraming klinika sa mundo na tumutulong sa mga may adiksyon. Isang estatwa ni Talbot ang nakatayo malapit sa naturang tulay.
"Never go too hard on the man who can't give up drink. It is as hard to give up drink as it is to raise the dead to life again," ayon kay Talbot, na sinabing ang dalawang milagro ay posible sa tulong ng Diyos.
Noong 1931, nagsimula ang obispo ng Dublin na suriing mabuti ang kanyang buhay na may layong tingnan kung maaaring isagawa ang diocesan procedure para masimulan ang pagkilala sa kanya bilang santo.
Nagsimula nga ito at noong 1975, nag-isyu si Pope Paul ng kautusan para kilalanin ang "heroic virtues" ni Talbot, na nagbibigay sa kanya ng titulong "venerable," isa sa mga unang hakbang na maaaring humantong sa pagiging santo.
Para umusad ang pagiging santo ng isang tao, kailangang kilalanin ng Iglesia Katolika ang isang himala mula kay Talbot.
Itinuturo ng Iglesia Katolika na gumagawa ang Diyos ng mga himala, ngunit ang mga santo na pinaniniwalaang kasama na ng Diyos sa langit ay namamagitan din sa mga taong nagdadasal sa kanila.
Ang isang halimbawa ng himala ay paggaling ng isang tao sa sakit, na hindi maipaliwanag ng mga medikal na eksperto. —Jamil Santos/LBG/MDM, GMA News
