Isang 5-taong gulang na bata ang natagpuang patay sa loob ng computer shop sa Baseco Compound sa Maynila nitong Lunes, ayon sa ulat ni Cecille Villarosa sa Unang Balita nitong Martes.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, namatay ang batang si Gwendel Constantino matapos sikmuraan ng suspek na tiyuhin pa naman niya.
"Nasuntok ko lang po sa sikmura. Tapos bigla siyang nanginig," anang suspek na si Jerome Emberso, na agad na nahuli ng mga pulis at ngayo'y nahaharap sa reklamong murder.
Dagdag pa ni Jerome, itinago niya si Gwendel sa computer shop dahil sa takot.
Magkahalong lungkot at galit naman ang nararamdaman ng foster parent ng biktima na si Amelia Milla dahil sa sinapit niya.
"Pinipilit naming maging matatag para sa amin din," aniya.
Ayon sa Homicide Section ng Manila Police District, 9 p.m. nung Linggo nang umalis ng bahay si Gwendel nang hindi nalalaman ng mga magulang.
Nang hindi umuwi nung gabing iyun, nagpatulong na ang mga kaanak niya sa barangay officials na hanapin siya.
Lunes ng tanghali nang makita ang bangkay ni Gwendel sa loob ng computer shop.
Ayon kay Amelia, mabait at masunuring bata si Gwendel. —KBK, GMA News
