May laman daw na hinihinalang shabu ang mga bulsa ng dalawang lalaki na napatay sa engkuwentro sa mga pulis nitong Miyerkoles ng gabi sa Barangay Payatas, Quezon City.
Tinangka nila umanong gahasain ang isang 18-anyos na dalagita.
Ayon kay Police Chief Inspector Alfonso Saligumba, Payatas PCP commander na nakapanayam ng GMA News "Quick Response Team" nitong Huwebes, wala pang pagkakakilanlan ang mga nasawing suspek.
Maliban sa dalawang .38-cal pistol at motorsiklo na ginamit ng mga suspek, may nadiskubre raw ang SOCO na white crystalline substance sa kanilang mga bulsa.
"May nakuha rin sila sa mga bulsa na eight white crystalline na substance suspected to be shabu," sabi ni Saligumba.
Sinisikap pa nilang makilala ang mga napatay na suspek at malaman kung ano talaga ang motibo ng mga ito.
"Siguro nagka-interes lang 'tong mga suspek na 'to. Hindi pa natin alam kung anong intention nila pero ayun na nga may balak po siguro silang (manggahasa), itong mga suspek natin," sabi ni Saligumba.
Nakakuha na rin daw ang pulisya ng CCTV sa pinangyarihan ng pagdukot.
Ipinasuri naman sa ospital ang biktima na mag-isa lang daw na nag-abang ng masasakyan ng pauwi sa Majaas Street, Brgy. Payatas B.
Kamakailan lang nang ipagdiwang ang kanyang ika-18 na kaarawan.
Kuwento ng Payatas PCP commander, naisumbong ng isang concerned citizen ang nakitang pagdurukot sa mga kawani na nagmamando ng checkpoint.
Bigla raw bumungad sa mga rumespondeng pulis sa kahabaan ng Legazpi street ang biktimang nakahubad na.
"Biglang may tumalon sa aming nakahubad na babae. Muntik na namin siyang masagasaan pero ang sinasabi niya, huminhingi soiya ng tulong kasi daw re-rape-in daw siya nu'ng mga lalaki," sabi ni Saligumba.
"After that, sinundan namin kung sa'n siya nanggaling. Bigla nalang kaming pinutukan ng mga suspects. So, in our defense, nag-retaliate kami at na-neutralize namin sila," dagdag ng opisyal. —Margaret Claire Layug/NB, GMA News
