Dalawang tulak umano ng droga ang inaresto ng mga tauhan ng Bulacan PNP at Philippine Drug Enforcement Agency sa isang buy-bust operation sa Meycauayan.

Ayon sa ulat ni John Consulta sa "24 Oras", nakuha kina Gerardo Domingo at Edcel Canete ang P100,000 halaga ng shabu, marijuana at party drugs.

Nadiskubre ng mga operatiba, tinutunaw ng mga suspek ang shabu sa distilled water bago iturok sa kanilang mga parokyano.

"Delikado ito lalo na sa kabataan kasi kung mahahawakan ito ng mga kabataan, nagkakaroon ng pagbabago sa utak ng tao," sabi ni Attorney Gil Pabilonia, director ng PDEA sa Bulacan.

"Nagiging manhid ang katawan at doon nila naisasagawa ang kanilang ginagawa sa private parties," dagdag pa niya. —NB, GMA News