Inaresto ang isang lalaki nang maaktuhang gumagawa ng kalaswaan sa harap ng dalawang babae sa Quezon City.

Ngunit nangatuwiran ang lalaki cellphone ang hawak niya at hindi ang maselang bahagi ng kanyang katawan.  

Sa ulat ng "Unang Balita," humihimas na sa ngayon ng malamig na rehas sa Batasan Police Station ang car wash boy na kinilalang si Brian Buot na inaresto sanhi ng reklamo ng dalawang babae  sa umano’y naglalaro ng kanyang ari sa kanilang harapan.

Kwento ng isang biktima, papasok na sila ng kasama niya sa subdivision kung saan nakatira ang isang kaibigan sa Barangay Old Balara nang tawagin sila ng suspek.

Laking gulat daw nila nang makita ang suspek na nilalaro ang ari nito na tinatapatan pa ng flashlight ng cellphone.

“Doon po siya sa gate po, kaya hindi po kami natuloy na pumasok. Tumakbo po kami kasi tinatawag niya po kami habang 'yun nga po may ginagawa siya,”pahayag ng isang nagreklamo.

Hindi lang isa umano, kundi dalawang beses pa raw itong ginawa ng suspek.

Ayon sa isa pang nagreklamo, papalabas siya ng subdivision para bumili ng pagkain nang ulitin nito ang kabastusan.

“Noong una po 'hoy, hoy' sabi niya 'hoy, hoy' nung ako na lang po sinitsisitan na niya po ako. ‘Psst, psst’ ganun na po.”

Doon na humingi ng tulong ang biktima sa pulis.

“Pagdating namin sa area mismong ako naaktuhan ko na nagma-masturbate siya doon sa madilim na parte ng area,” Pahayag ni PO1 Mark Jhozyll Castillo ng Quezon City Police.

Itinanggi ng suspek ang mga paratang, “Wa naman akong ginawa. Hinawakan ko lang yung cellphone ko.”

Sasampahan ng reklamong unjust vexation ang suspek.

Pero bukod dito, nilabag din umano ng suspek ang anti-catcalling ordinance ng Quezon City na may multa na P1,000 hangganP5,000 o pagkakakulong ng hanggang isang buwan kung mapapatanayang nagkasala. —LBG, GMA News