Dalawang bala ng grenade launcher at granada, kasama ang sampung sachets ng hinihinalang shabu, ang tumambad sa pulis na nagkasa ng buy-bust operation sa dalawang hinihinalang tulak sa Valenzuela City.

Kita sa ulat ni Darlene Cay nitong Miyerkoles sa Unang Balita ang mga gamit na ito sa pagdakip kila Denver Cabrito at Michael Angelo Tagulao, na ayon kay Senior Superintendent David Nicolas Poklay ay target ng operasyon.

Hindi itinanggi ni Tagulao na ibebenta niya sana ang mark 2 fragmentation grenade at dalawang M203 grenade sa halagang P2,000.

Ninakaw daw ni Tagulao ang mga pampasabog habang nagtatrabaho bilang tubero sa isang naval base at ibinenta ang mga ito paisa-isa nang nawalan ng trabaho.

Kalaunan daw ay pinasok na rin niya ang pagtutulak ng shabu.

Nagkataon lamang raw na napasama si Cabrito kay Tagulao nang siya ay dakipin dahil naghahanap rin ito ng pera, ngunit meron umano itong kaso ng frustrated homicide laban sa isang pulis. Bukod dito suspek din umano siya sa pangho-holdup sa Caloocan. —Rie Takumi/KBK, GMA News