Isang 75-anyos na lolo ang nasawi matapos siyang masagi at dahan-dahan na masagasaan ng isang SUV sa Pateros. Ang suspek, ilegal na gumagamit pa ng commemorative plate sa kaniyang sasakyan.
(Babala, sensitibo ang video)
Sa Ivan Mayrina sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, makikita sa kuha ng CCTV ng Barangay Sto Rosario Silangan noong gabi ng Setyembre 3, ang biktimang si Raymundo Mira, na nakatayo sa pasukan ng subdibisyon.
Hindi nagtagal, dumating ang SUV na minamaneho ni Nelson Mabini at papasok sa subdibisyon.
Makikita naman si Mira na gumigilid para makadaan ang SUV pero hirap siyang maglakad. Hindi pa man tuluyang nakakatabi ang biktima, dahan-dahan nang umusad ang SUV at nasagi ang matanda, at dalawang beses na nagulungan.
Mapapansin din na sandaling tumigil ang SUV pero umalis din at hindi tinulungan ang matanda na nakahandusay na sa gilid ng gate.
Naitakbo pa sa ospital si Mira pero pumanaw daw makalipas ang ilang oras dahil sa matinding pinsala na tinamo umano sa dibdib.
Inabutan naman ng mga humabol na residente ang suspek na nakaparada sa tapat mismo ng bahay ng kapatid ng biktima.
Nagpunta raw sa lugar si Mabini dahil may papasyalan umanong kaibigan at sinabing nasagi lang niya ang matandang biktima.
"Hindi sagi. Sabi ng doktor kasi durog to eh, durog ang dibdib kaya ang nangyari malala ang tama," sabi ni Rodrigo Mira, kapatid ng biktima.
Paliwanag pa umano ng suspek nang arestuhin na ng mga pulis, masyado raw natuon ang kaniyang atensyon sa pag-iwas sa construction sa kaliwang bahagi ng kalsada kaya hindi na niya namalayang may nasagasaan siya kaya dumiretso na lang.
Nasampahan na ng reklamong reckless imprudence resulting in homicide si Mabini pero nakalaya matapos magpiyansa.
Naiwan naman sa kostudiya ng pulisya ang SUV bilang ebidensya.
Sinubukan ng GMA News na makuha ang panig ni Mabini pero hindi sila sumagot sa mga text at tawag.
Desidido ang pamilya ng biktima na ituloy ang kaso laban kay Mabini at nais nilang maging murder ang asunto at hindi homicide.
Bukod sa pagkamatay ni Mira, dagdag pa sa kasong kakaharapi ni Mabini ang ilegal na paggamit ng commemorative plate na may nakalagay na "prosecutor."
"Hindi naman siya prosecutor. Para makaiwas sa coding," sabi ni P/Senior Superintendent Julius Coyme, hepe ng Pateros police.-- FRJ, GMA News
