Anim na katao ang nasawi, kabilang ang mga miyembro ng isang pamilya, nang masunog ang isang commercial establishment na may 40 stalls sa Novaliches, Quezon City pasado hatinggabi nitong Sabado, sa kasagsagan ng pananalasa ng ng bagyong Ompong.
Sa ulat ni Vonne Aquino sa GMA News "Balitanghali," sinabing tinupok ng apoy ang building sa General Luis St. na naglalaman ng mga ukay-ukay na damit, electronic gadgets, at iba pang gamit.
Umabot sa ikatlong alarma ang sunog, habang nirerekober ng mga bumbero ang mga bangkay ng mga biktimang naipit.
Kinilala ang mga nasawi na sina Kamal Direpusun, padre de pamilya; ina ng mga bata na si Norjannah Jappar; at mga anak nilang sina Abdulrahem Direpusun, 9-anyos; Salma Direpusun, 7-anyos; at Abdul Raman Direpusun, limang buwang gulang.
Nakuha rin ang isa pang bangkay, na hindi pa matukoy ang pagkakakilanlan.
Nagsimula ang sunog sa barber shop malapit sa entrance ng buong building kaya wala nang nalabasan ang mga biktima, ayon sa impormasyon ng BFP.
"Ang sunog nag-umpisa sa harapang bahagi ng ukay-ukay... Front right side portion... Ang umpisa ng sunog du'n sa mismong dadaanan ng victims natin... Fire casualty dito sa ground floor bale apat 'yung nakuha natin at may dalawa sa taas," pahayag ni Fire Inspextor Rosendo Cabillan, chief investigator, QC-BFP.
Sinabi naman ng isang kaanak ng mga biktima na sa tindahan ng tsinelas natutulog ang pamilya dahil wala silang ibang bahay.
"Lumaki na po yung apoy kaya hindi namin mapasukan," sabi ng lalaking kamag-anak.
Nagkaroon din ng komosyon dahil sa kagustuhan ng mga kaanak na kunin agad ang mga labi ng mga biktima kahit hindi pa ito nasusuri ng SOCO.
"Nagkaroon ng commotion dahil nga sir doon sa ating Muslim brothers gusto agad nilang makuha ang nasawing kamag-anak, pinagbigyan naman natin," ayon pa kay Cabillan.
Patuloy ang BFP sa pag-imbestiga sa sanhi ng sunog at sa halaga ng pinsala.
Naapula ang sunog pasado 2:30 na ng umaga nitong Sabado. —Jamil Santos/LBG, GMA News
