Pitong indibidwal ang arestado sa magkakahiwalay na operasyong kontra-droga ng Quezon City Police District.

Ayon sa ulat ni Vonne Aquino sa "Balitanghali" nitong Sabado, nahuli umano ang  apat na construction worker na bumabatak ng shabu sa isang construction site.

Nahuli raw sila ng isang safety officer at kaagad itong itinawag sa pulis.

Ayon sa informant: "May mga nahuhulog eh so napilitan din kaming umakyat sa taas. Pagbukas namin nu'ng pinto, kasi plywood lang nakaharang eh, pagbukas namin, nakita namin sila na nagbabatak ng shabu."

Nakuhanan ang mga suspek ng dalawang sachet ng hinihinalang shabu, limang sachet na may bakas pa ng hinihinalang shabu, at ilang piraso ng foil.

Iginiit ng isang suspek na kinilala bilang si Michael Dahonan , kakaumpisa lang niyang gumamit ng ilegal na droga.

"Para ho sa trabaho," paliwanag ng suspek.

Ayon kay Chief Inspector Melchor Rosales, deputy operations chief ng QCPD Station 10, delikado mismo para sa mga suspek ang paggamit nila ng droga habang sila ay nasa constructon site.

"Kasi puwede silang mahulog du'n pagka sobra na silang high doon sa pinagbabawal na droga," sabi ng opisyal.

Inaresto rin ng QCPD drug enforcement team ang tatlong magkakaibigan sa may NIA Road sa Barangay Piñahan.

Kinilala ang mga suspek bilang sina Justinne Sumooc at ang mga kasama niyang sina Edmon Asencio at Hilario Bejarin.

Nabilhan umano ng P300 halaga ng shabu ang suspek, ngunit itinanggi ni Sumooc na nagbebenta siya ng ilegal na droga.

Giit nito, "Inabot lang sa'kin maam."

Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Ayo kay Chief Inspector Rosales: "Lagi kaming nakakahuli ng pot session. So nakagawa kami ng plano para mahuli talaga 'yung nagbibigay ng ipinagbabawal na gamot du'n." — Margaret Claire Layug/MDM, GMA News