Maliban sa matamis na mangga, kilala rin ang Guimaras kanilang bughaw na tubig sa karagatan, mapuputing buhangin, at mga natatagong likas-yaman na tiyak na babalik-balikan. Kung pupunta sa naturang lalawigan ngayong tag-init, huwag palampasin ang mag-island hopping.
Sa nakaraang episode ng “Biyahe ni Drew,” kabilang sa mga isla na kanilang pinasyalan ang Natago Beach sa Nueva Valencia, na ipinagmamalaki ang mumunti nilang sandbar na lumilitaw lamang kapag low tide.
Halos 10 minuto namang ang boat ride papunta sa Baras Cove. Pagkarating sa pampang, sasalubong ang isang kuweba, na puwedeng languyin ng mga 20 hanggang 30 metro para marating ang kabilang dulo.
Mapapadasal naman sa pangatlong isla, na tinatawag na Ave Maria Island, na perfect sa diving para makita ang mga lamang-dagat sa ilalim, kasama ang sari-saring mga coral reefs at isda.
Mayroon ding floating cottages sa Guimaras na saktong pahingahan ngayong summer na may magandang view sa gitna ng dagat.
Matapos maganap ang isang oil spill dalawang dekada ang nakararaan, umusbong naman ang mga bagong ikabubuhay ng mga residente sa lugar.
Ang Sarcepa Floating Cottage, ay proyekto ng San Roque Coastal Environment Program Association o SARCEPA.
Layon ng SARCEPA na mabigyan ng ibang pagkakitaan sa pamamagitan ng floating cottages ang mga mangingisda na naapektuhan ng oil spill noong 2006.
Pagdating naman sa mga meryenda, alok ng Guimaras ang sumang-latik, na gawa sa sweetened coconut, at puto Lanson na tinatawag ding Bukayo.
Tunghayan sa Biyahe ni Drew ang ginawang pagbida ni Miss Guimaras 2025 Kirsten Marie Bosque sa kaniyang hometown. Panoorin. – FRJ GMA Integrated News
