Nagkaroon ng mainit na sagutan ang isang babae at isang lalaking nag-park sa tapat ng bahay ng una sa Quezon City. Giit ng lalaki, “public road” ang tapat ng bahay kaya maaari itong paradahan. Tama nga ba ang naturang katwiran kahit pa maharangan ang gate ng bahay? Alamin.

Mapanonood ang video ni Lucille Pascua sa GMA News Feed ng sagutan nila ng lalaki.

Ayon kay Lucille, 9 a.m. pa lamang nang iparada na ng lalaki ang sasakyan nito sa tapat ng kaniyang tahanan. Bandang 6 p.m. na nang mangyari ang kanilang komprontasyon.

Mapapanood sa video na naiusog na ang inirereklamong sasakyan, na napag-alaman na sinulatan ni Lucille ang gilid nito sa kaniyang inis.

“9 a.m. pa lang, naka-park na kayo,” sabi ni Lucille.

“Aalisin ko naman ‘yun eh, kaya lang public road ito, ate ha. Public road,” tugon ng lalaki.

Ayon sa lalaki, nag-park lang siya sa lugar dahil may ginagawa sa kanilang kalsada.

Sa gitna ng sagutan ng dalawa, sumugod ang babaeng asawa ng lalaki na kagawad umano sa isang barangay.

“Bakit ka nagva-vandalize? Sa’yo ito?” sigaw ng kagawad dahil sa sulat na nakalagay sa kanilang sasakyan.

“‘Yung sasakyan, tadtad po ng vandalism. Mayroon siyang vandalism sa driver’s side, mayroon pa rin po sa likod,” sabi ng lalaki.

“Aminado naman po ako sa mali ko na nagsulat ako sa sasakyan. Kaya ko namang panagutan ‘yun” sabi ni Lucille, na whiteboard marker ang ipinangsulat sa sasakyan.

Ikinagalit niyang nahihirapan umano sila na paandarin ang kanilang sasakyan dahil nakahambalang ang sasakyan ng kagawad.

Base sa RA 4136 o “Land Transportation and Traffic Code,” ipinagbabawal ang pagparada ng sasakyan sa mga sumusunod na lugar:

No driver shall park a vehicle, or permit it to stand, whether attended or unattended, upon a highway in any of the following places:

  • (a) Within an intersection
  • (b) On a crosswalk
  • (c) Within six meters of the intersection of curb lines
  • (d) Within four meters of the driveway entrance to and fire station.
  • (e) Within four meters of fire hydrant
  • (f) In front of a private driveway
  • (g) On the roadway side of any vehicle stopped or parked at the curb or edge of the highway
  • (h) At any place where official signs have been erected prohibiting parking

Isinaad din sa Section 52 ng batas:

Section 52. Driving or parking on sidewalk - No person shall drive or park a motor vehicle upon or along any sidewalk, path or alley not intended for vehicular traffic or parking.

Nakaabot ang insidente kay Gabriel Go, pinuno ng MMDA Special Operations Group-Strike Force.

"‘Pag hinarangan po natin ang mga gate, napaka-delikado po nito. Tulad ng sinasabi natin lagi, in case of emergencies. Hindi naman natin masasabi [kung] kailan ‘yan, paano na lang ‘yung accessibility ng mga tao,” sabi ni Go.

Maliban sa paggarahe sa driveway ng bahay, pinuna rin ni Go ang pagparada ng sasakyan sa intersection o intersection core.

"Hindi po ba basic knowledge din na hindi maaaring pumarada sa tinatawag intersection or intersection core under RA 4136 din po ‘yan. Sa inyo na po galing, public road meaning ginagamit for mobility, hindi naman public parking slot o space!” sabi ni Go.

Gayunman, hindi rin dapat sinulatan ang kotse at imbes na tumawag na lang sa LGU o MMDA ang may-ari ng bahay.

Sinabi ng may-ari ng sasakyan na nagpunta sila ng barangay para ipakitang bukas sila sa anumang pakikipag-usap.

“Kaya po ako nagpunta ng barangay kasi gusto kong mag-usap sa barangay. Ang totoo niyan naghintay po kami. Wala pong dumating,” sabi ng may-ari ng sasakyan.

Batay naman sa post ni Lucille, tumawag siya ng barangay at sinabihan siya na magpa-blotter na lang.

Bukas ang GMA News sa panig ng barangay. – Jamil Santos/FRJ GMA News