Hindi naitago ni Miguel Tanfelix ang kaniyang excitement sa kaniyang unang solo hosting stint para sa upcoming travel show na “Planet XP.”
Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, sinabing itatampok ni Miguel ang kaniyang mga natutuhan sa iba’t ibang paglalakbay sa iho-host niyang travel show na Planet XP.
“Matagal ko nang hinihiling na magkaroon ng isang travel show. So, dream come true ‘to na ngayong 27 years old ako, binigyan ako ng travel show. So, very unexpected din 'yung timing nu’ng Planet XP,”
Inspirasyon ni Miguel sina Amazing Earth host Dingdong Dantes at Biyahe Ni Drew host Drew Arellano.
“Parang gusto kong ipakita sa audience kung sino ba ako bilang isang adventurer, isang traveler. Kasi ‘yun naman talaga 'yung ginagawa ko,” ani Miguel.
Layon ni Miguel na matuto at mag-enjoy sa bawat episode.
Sa Planet XP, inaasahang mabubuhay ang interes ng mga kabataan sa iba't ibang komunidad at ganda ng bansa.
“Kumbaga ako mismo at kasama ang buong team. Wow, may team na rin ako, parang Jessica Soho! ‘Kasamang lumipad ang aming team.’ Sa amin, hindi lang lumipad. Binangka namin, hinike namin. So, very immersive siya. Ako mismo 'yung pupunta sa mga bawat community para i-experience kung paano 'yung kultura nila, ano 'yung ginagawa nila pang araw-araw, ano 'yung mga kinakain nila, paano sila mamuhay,” ani Miguel.
Ang programa ay partnership ng GMA Network at National Council for Children's Television bilang grantee ng National Endowment Fund for Children's Television.
Mapanonood ang 5-part infotainment show na Planet XP mula Mayo 2, tuwing Sabado, 6:30 p.m. sa GMA. —Jamil Santos/VBL GMA News
