Ilang lalaki ang nahuli sa akto ng pulisya na nagsusugal sa isang lamay nitong Huwebes ng gabi sa Sampaloc, Maynila. Depensa ng mga inaresto, hindi nila alam na bawal ang kanilang ginagawa.
Sa ulat ni Jhomer Apresto sa GMA News Unang Balita nitong Biyernes, sinabing kamag-anak umano ng namatay ang mga inaresto. Gayunman, hinuli pa rin sila ng mga awtoridad.
Sinabi ng isa sa mga nahuli na hindi nila alam na bawal ang pagsusugal sa lamay at nadaanan na rin sila ng taga-barangay.
“At saka unang una, dumaan ang barangay. Dapat sinabihan kami na bawal. Kung alam naming bawal pala, kahit may lamay, may patay, hindi na kami [nagsugal] kasi ang lakas naman ng loob namin kung magsusugal kami sa labas ng kalsada,” sabi ng isa sa mga hinuli.
Hindi naman nagbigay ng pahayag ang iba.
“Wala hong sinabi sa batas ng PD 1602 na kapag ka may lamay ay puwede kang magsugal, kahit obstruction sa daanan. Nirerespeto po namin ‘yung family ng namatayan at ang amin po ay nagpapatupad lang po kami ng aming tungkulin bilang isang tagapagpatupad ng batas,” sabi ni Police Lieutenant Colonel Jolly Soriano, Station Commander ng MPD 14,
Base sa datos, umabot sa mahigit 50 ang nadakip ng Barbosa Police Station sa paligid ng University Belt matapos lumabag sa mga ordinansa. Karamihan sa kanila ay mga nahuling umiinom sa pampublikong lugar.
“Napakahalaga ang ganitong operasyon dito sa, lalo-lalo na dito sa U-Belt kasi dito ang sentro ng universities, mga students na kung saan naglalakad-lakad lang at hindi sila kinakabahan na baka mayroon na namang makursunadahan o ‘di kaya ma-hold up o mapagsamantalahan,” sabi ni Soriano.
Hinuli rin sa curfew ang maraming kabataan, at ipinaubaya sila sa barangay upang doon sila sunduin ng kanilang mga magulang.
“Tuloy-tuloy po 'yung effort ng ating kapulisan dito sa Manila Police District para at least mabawasan po natin 'yung mga krimen na nangyayari dito kung meron man at masasabi natin na we will sustain this para ipakita sa ating mga kababayan, sa mga Manileño na gagawin namin ang lahat,” sabi ni Police Colonel Dyan Agustin, Chief ng Directorial Staff ng MPD. -- Jamil Santos/FRJ GMA News
