Ang trade diplomat na si Dita Angara-Mathay ang napili ni Pangulong Ferdinand ''Bongbong'' Marcos Jr. na maging bagong pinuno ng Department of Tourism. Kaano-ano kaya niya si Education Secretary Sonny Angara?

Bago italagang kapalit ni dating DOT chief Christina Frasco, nagsilbi si Angara-Mathay bilang Commercial Counselor at Special Trade Representative (STR) ng Pilipinas sa Tokyo, Japan.

Kinatawan niya ang bansa sa mga industrial dialogue at international summit, na nakatuon sa mga sektor na tulad ng electronics at sustainable textiles.

Kabilang sa mga pagtitipon na dinaluhan niya bilang kinatawan ng Pilipinas ay ang SEMI Southeast Asia Investment Forum noong Enero 2025 at ang Rakuten Fashion Week Tokyo noong Setyembre 2025.

Pinangunahan din ni Angara-Mathay ang mga programang nag-uugnay sa mga pandaigdigang samahan para sa kongkretong resulta sa lokal na antas, pagsuporta sa ikauunlad ng mga negosyo, pagpapalakas ng mga industriya, at pagpapalawak ng mga oportunidad para sa mga negosyong Pilipino, lalo na ang mga MSME.

Ayon sa Presidential Communications Office, sa pagkakatalaga kay Angara-Mathay bilang pinuno ng DOT, layunin ng administrasyon na ihanay ang turismo sa paglago ng ekonomiya sa pamamagitan ng pag-akit ng mas maraming mamumuhunan, pagsuporta sa mga lokal na industriya, at pagtiyak na ang benepisyo ng turismo na maramdaman sa iba’t ibang rehiyon.

Asawa ni Angara-Mathay si Robbie Mathay, na dating presidente ng Aurora Pacific Economic Zone and Freeport Authority. 

Si Angara-Mathay ay pinsan ni DepEd Sec. Sonny Angara. -- Anna Felicia Bajo/FRJ GMA News