Isang 69-anyos na lola at dalawa niyang apo ang iginapos at pinagnakawan sa kanilang bahay sa Novaliches, Quezon City, ng mga kawatang nagkunwaring maghahatid ng birthday cake na bigay ng lokal na pamahalaan para makapasok. 

Sa ulat ni Bea Pinlac sa GTV News Balitanghali nitong Biyernes, mapanonood sa CCTV camera na may isang multi-purpose vehicle, dalawang motorsiklo at kotse na sinakyan ng anim na suspek nang manloob sa isang bahay sa San Bartolome nitong Martes.

“Ang modus po ng mga suspek po natin ay kakatok sila sa gate and may ibibigay daw na birthday cake si mayor sa isang senior citizen,” sabi ni Police Lieutenant Dave Anthony Capurcos, Commander ng QCPD Station 4.

Nakuha ng mga suspek ang loob ng lola kaya pinapasok sila nito sa bahay kung saan kasama niya ang dalawa niyang apo.

Nang makapasok ang mga suspek, naglabas sila ng baril at iginapos ang mga biktima, at nagsimulang magnakaw sa bahay.

“Nagawa pa nilang kumain sa loob ng bahay, nakuha ang sasakyan, dalawang motor, laptop at iba't ibang klase ng mga alahas,” sabi ni Capurcos.

Hindi bababa sa P1 milyon ang halaga ng mga gamit na tinangay ng mga salarin.

“Nalaman natin na ni-rent lang ‘yung sasakyan na getaway sa mga car rental. So na-trace natin kung saan ‘yun. Nalaman din natin na pagkarating na pagkarating, nagpalit kaagad ng sasakyan. Pagkatapos ng krimen na ginawa nila, sinabi nila na kumonti ang sumama doon sa swimming. So kailangan namin magpalit na mas maliit na sasakyan,” sabi ni Capurcos tungkol sa ginawang pagrenta.

Nahanap ng pulisya kung saan nagrenta ng getaway vehicle ang mga suspek.

Kinabukasan, nadakip sa Barangay Commonwealth ang isang 37-anyos na suspek na nanutok umano ng baril sa mga biktima.

“Doon natin nakita ‘yung mga ninakaw na mga gamit. ‘Yung laptop, alahas, mga IDs, pitaka.
Hindi na po lahat na-recover,” sabi ni Capurcos.

Itinanggi ng lalaki na kasama siya sa krimen, pero sinabing totoo na may dala silang cake.

Hindi umano siya bumaba ng sasakyan nang isagawa ang krimen.

“Bago sila nagmaneho roon, sila ‘yung may dala ng cake. Dapat magsu-swimming kami, ang pagkakaalam ko. Paikot-ikot kami ma’am. Ikot papuntang Manila, tapos mga bandang tanghali, iyon na po, niyaya po ako na manehohin ulit ‘yung sasakyan papunta doon sa isang lugar. Hindi ko po alam na may ganu’n na modus na gagawin nila,” sabi ng suspek.

Patuloy ang pagtugis sa lima pang kasabwat sa krimen.

Sinabi ng pulisya na ang mga suspek din ang nasa likod umano ng kagayang modus sa Mandaluyong.

Dati na umanong nasampahan ng kasong swindling at estafa ang mga suspek.

Ngayon, mahaharap sila sa reklamong robbery, carnapping, at illegal possession of firearms.

Hindi na kuhananan ng panig ang mga biktima, samantalang sinusubukan pang kuhanan ng pahayag ang Quezon City LGU. – Jamil Santos/FRJ GMA News