Sinabi ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) nitong Sabado na sinuspinde na nito ang operasyon ng transport network vehicle service (TNVS) ng driver na nag-post ng mga malaswang komento tungkol sa aktres na si Xyriel Manabat sa social media.

Sa isang pahayag, sinabi ng LTFRB na naglabas ito ng show cause order (SCO) laban sa TNVS driver na gumawa ng hindi angkop na content kaugnay kay Xyriel, na kaniyang naging pasahero.

“And as initial action from your LTFRB, we have already suspended the operation of this TNVS pending the result of the ongoing investigation into the matter,” anang LTFRB.

“No woman deserves to be treated this way. This is the reason behind our Bawal Bastos campaign, and this campaign against sexual harassment and discrimination in public transportation will serve as our motivation and basis in holding accountable this TNVS driver,” sabi ni LTFRB Chairperson Vigor Mendoza II.

Inisyu ang summons order matapos mag-post ng isang Boss Toyo Mansi ng larawan niya at ni Xyriel na may kasamang malaswa o sexualized na komento tungkol sa aktres. Burado na ang account, ngunit makikita pa ang mga screenshot nito online.

Nangako si Xyriel na magsasagawa siya ng aksyon laban sa TNVS driver, at binigyang-diin na hindi dapat ituring ang post na walang kapahamakan o mababaw lamang, at hindi dapat maging isang bagay na nararanasan ng mga kababaihan araw-araw.

Sa kanilang bahagi, sinabi ng Grab Philippines na isinailalim na sa preventive suspension ang driver-partner habang hinihintay ang resulta ng patuloy na imbestigasyon, at nag-isyu na sila ng pormal na paghingi ng tawad kay Xyriel para sa insidente na inilarawan nila bilang "unacceptable."

“The Land Transportation Office (LTO) Enforcement Division, the Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), the Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) and other traffic enforcement agencies are hereby ordered to apprehend and impound the unit, if found operating as public utility vehicle,” sabi ng SCO.

Sinabi ng LTFRB na naibigay na nito sa tatlong ahensiya ang lahat ng detalye tungkol sa sangkot na TNVS unit.

Inutusan din ang driver na magsumite ng paliwanag sa sulat sa loob ng 10 araw pagkatapos matanggap ang SCO kung bakit hindi siya dapat suspindihin o bawiin ang kaniyang prangkisa kaugnay ng insidente.

Gaganapin sa Abril 28 ang isang pagdinig sa kaniyang kaso kung saan bibigyan siya ng pagkakataong magpaliwanag para sa kapakanan ng due process.

“Failure on the part of the Respondent TNVS Operator/ Driver to appear before the Hearing Officer and to file an Answer, shall be considered as a waiver on his part to be heard and shall cause the imposition of a penalty in the amount P5,000,” sabi sa SCO. — Jamil Santos/Ted Cordero/VBL GMA News