Mayroon nang dayuhang investor na nagbigay ng suporta sa Pilipinong imbentor ng electric manned aerial vehicle (EMAV) o maliit na sasakyan na kayang lumipad. Gayunman, posibleng sa ibang bansa muna ito maibenta.

Sa ulat ni Raffy Tima sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, ipinakita ni Kyxz Mendiola ang nalikha niyang EMAV na kaya palang lumipad sa loob ng 15 minuto at hindi pa kayang lumipad ng sobrang taas.

Nagsimula ang ideya ni Mendiola sa paggawa ng EMAV sa pagkahilig niya sa drone.

Noong 2014,  ipinakita niya sa GMA News ang nagawa niyang manned multi-copter.
Mula noon, nagsariling-sikap siya sa pagsasaliksik tungkol dito hanggang sa makabuo siya ng hoverboard noon July 2017.

Isang dayuhang investor na ang nagbigay ng suporta sa likha ni Mendiola. 

"When you covered me [last year], nakagawa ako ng hoverboard because noong time na 'yun 'yung pera ko enough lang to buy that eight pieces. Kaya ako gumawa ng hoverboard, that was really just for testing,” ani Mendiola.

Nang mapalipad niya ang kanyang imbensiyon gamit ang multi-rotors, nangutang pa si Mendiola para mabuo ang EMAV na mayroong 16 na maliliit na electric motor.

Dahil mayroong kumpanya na sumusuporta sa kaniya, determinado si Mendiola na makagawa ng one seater at two-seater production unit ng EMAV na balak niyang ibenta sa ibang bansa.

"Apat na taon na ang nakalipas mula nang una ko itong makita bilang isang konsepto sa computer pero ngayon, ito at buo na nasasakyan ko at nakakalipad pa,” ani Mendiola.

“We can already start selling to those countries who already has rules for this. And when the Philippine government starts to you know, catch up with the rules and regulations, then this will be available in the Philippines,” dagdag pa ni Mendiola.

Ayon naman kay Jacob Maimon, Presidente at CEO ng Star Corporation na sumusuporta sa pananaliksik ni Mendiola, may kausap na sila na interesado sa flying car.

“We are already in contact with couple of farmers in Australia, and they are looking to get one or two that they can jump in, go to another place,” ani Maimon. -- Llanesca T. Panti/FRJ, GMA News