Isang pulis ang inabutang tulog habang ang isa naman ay tila nakainom nang mag-inspeksiyon si National Capital Region Police Office chief Director Guillermo Eleazar sa mga presinto sa Las Piñas City nitong Lunes.
Batay sa ulat ni Darlene Cay sa Unang Balita, nahuling tulog si P03 Rey Gusi nang mag-inspeksiyon si Eleazar sa Police Community Precinct 8 Lunes nang madaling araw.
Napag-alaman na si Gusi ang desk officer ng PCP 8. Paliwanag niya, "straight duty" ang pasok niya mula Linggo kaya hindi niya napiligal ang antok.
"Malas nila nag-inspection tayo October 1," ani Eleazar.
"Pagpasok sa police station, dapat makikita itong pulis na nandoon sa kanyang desk, hindi yung maghahanap pa," dagdag pa ni Eleazar.
Sa PCP 3 naman, Napansin ni Eleazar na tila "nakainom" ang desk officer na si PO3 Joselier Labrada.
Bagama't inamin ni Labrada na nakainom siya, naging sablay rin na hindi niya alam ang ranggo ng mga opisyal ng Philippine National Police, kabilang na si PNP chief Director General Oscar Albayalde.
Dinala sa ospital para ipasuri si Labrada kung totoong nakainom siya. Kung mag-positive, mahaharap siya sa kasong Grave Misconduct. —KBK, GMA News
