Isang pulis ang nadatnan ni National Capital Region Police Office chief Director Guillermo Eleazar na natutulog sa isang presinto sa Las Piñas ng magsagawa siya ng surprise inspection.
Ayon sa ulat ni Darlene Cay sa “24 Oras”, naaktuhan din ni Eleazar sa isang presinto sa Parañaque ang isang pulis na hindi tama ang uniporme. Inamin din ng pulis na siya ay nakainom bago mag-duty.
“Ang point natin is gagawan dapat ng paraan. Hindi rin pwedeng pipiliin ng tao ang pagpunta nila sa police station, na dapat 'wag pupunta sa [oras na] palitan [ng tao] dahil ang dadatnan nila ay pulis na natutulog,” ani Eleazar sa kaso ng nakatulog na si PO3 Rey Gusi.
Dalawang magkasunod na shift daw ang pinasukan ni Gusi kaya hindi na niya nalabanan ang antok.
Hindi naman itinanggi ni PO3 Joselier Labrada na siya ay uminom ng alak bago pumasok.
“Sir, before I rendered my duty, yes, nakainom po," tugon ni Labrada sa tanong ni Eleazar.
Posibleng maharap sa kasong grave misconduct si Labrada dahil sa nakainom ito habang naka-duty.
“Ang point natin doon pagpasok sa police station, dapat makikita itong pulis nandon sa kanyang desk. 'Yun ang lalapitan ng kababayan natin doon e. Aayusin natin ito, ito ang purpose ng ginagawa natin, kaya tayo nag-co-conduct ng surprise inspection,” ani Eleazar.
Gising naman ang mga pulis sa ibang presinto sa Las Piñas at Parañaque, ngunit sumablay naman ang mga ito sa kalinisan. —Llanesca T. Panti/NB, GMA News
