Sisimulan ang pamamahagi ng P5,000 na tulong pinansyal para sa mga tricycle driver sa labas ng Metro Manila sa Miyerkules, Abril 8, ayon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD). May special payout naman na gagawin sa susunod na linggo para sa mga tsuper sa NCR na hindi nakatanggap ng pinansiyal na ayuda.

“This week mag-uumpisa na po ang pamamahagi ng P5,000 cash relief assistance ng DSWD sa mga tricycle drivers sa mga major cities sa ating bansa. Sa Wednesday tayo mag-uumpisa sa ating payout activities,” sabi ni DSWD spokesperson Irene Dumlao sa “Bagong Pilipinas Ngayon” nitong Lunes.

Magmumula ang tulong pinansyal sa Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program ng DSWD.

Sa Metro Manila, sinabi ng DSWD na halos 100,000 na tricycle driver ang nakatanggap na ng tulong pinansyal bilang tulong sa kanila dahil sa mataas na presyo ng krudo.

Samantala, ang mga tsuper sa mga pampublikong sasakyan sa NCR na hindi nakatanggap ng kanilang cash aid sa unang pamamahagi ay maaaring makahuha sa special payout na isasagawa sa susunod na linggo.

“Yung mga nagtatanong hinggil sa isasagawa natin na mga special payouts para sa mga drivers within the National Capital Region na hindi nakatanggap o nakapag-claim ng kanilang cash relief assistance, at gayun din sa mga driver na kabilang sa supplemental list, ang special payout ay gagawin naman natin next week,” ayon kay Dumlao.

Nauna nang sinabi ng DSWD na nakapagpamigay na ito ng P1.28 bilyong tulong pinansyal sa mahigit 256,000 drayber ng public utility vehicle (PUV) sa Metro Manila. — Vince Angelo Ferreras/FRJ GMA News