Pumanaw na ang komedyante na si Michelle O'Bombshell, ang impersonator ng dating First Lady ng Amerika na si Michelle Obama.
Ibinahagi ng kapuwa niya komedyante na si Pepita Curtis ang malugkot na balita sa Facebook post nitong Lunes.
"Paalam Nay Michelle O'Bombshell, lalong masaya diyan ngayon sa Taas dahil andyan po kayo," saad ni Pepita sa post.
Sa isa pang post, ibinahagi ni Pepita ang isang luma nilang usapan ni Michelle, kung saan nagpasalamat siya sa komedyante nang maging writer niya ito para sa kaniyang birthday concert noong 2024.
"Nagpapasalamat ako dahil naging writer ka ng birthday concert ko nay. Buong buhay kong iche-cherish 'yon," ani Pepita.
"'Di namin malilimutan kung gaano ka kagaling sa entablado, kung gaano ka kabilis mag-isip ng mga punchlines na magugulat ang lahat, ang husay mo mag-Ingles, timing, bagsak, isa ka pong idol nay!" dagdag niya.
Ibinahagi rin ni Pepita na kahit baguhan siya noon, hindi siya pinakitunguhan nang masama ni Michelle. Sa halip, sinuportahan pa siya nito sa kaniyang karera.
"Never n'yo po ako sinungitan kahit nung bago pa lang po ako, hindi ka po maramot sa suporta sa mga juniors na katulad ko. Nakakakaba sumabay sa wit and humor mo nay pero wala kang ka ere ere," patuloy niya.
"Habang tina-type ko 'to, binubura ko, nahihiya ako mag-post ng ganito kahaba pero minsan lang naman ito para sa 'yo Nay," sabi pa ni Pepita.
Roderic Cuntapay sa tunay na buhay, si Michelle o Ador, naging bahagi siya ng ilang pelikula tulad ng “Wapakman” at “May Amiga Girl.” Napanood siyang naglaro sa “Family Feud,” nakasama ang iba pa niyang kapwa komedyante.
Hindi binanggit sa post ni Pepita kung ano ang sanhi ng pagkamatay ni Michelle. —Jade Veronique Yap/FRJ GMA News

