Walang nagawa ang isang motoristang nakatigil sa traffic light sa Pasay City dahil "red" ang ilaw nang tangkain ng isang lalaki na buksan ang trunk ng kaniyang sasakyan. Ang payo ng pulisya, huwag bababa kapag nalagay sa katulad na insidente.
Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, ipinakita ang video ng isang motorista habang hindi umuusad ang trapiko sa panulukan ng Edsa at Roxas Boulevard sa Pasay City.
Maya-maya lang, isang lalaki ang lumapit sa likuran ng isang SUV at pilit na binubuksan ang trunk ng sasakyan.
Hindi natitinag ang lalaki kahit binubusinahan na siya ng iba pang motorista.
Tinangka rin siyang atrasan ng driver ng sasakyan, at nilapitan pa ng isang rider.
Sa pagpipilit ng lalaki na buksan ang trunk, natanggal nito ang chrome garnish ng sasakyan.
Nakaalpas lang ang motorista nang mag-"go" na ang traffic light at umalis na parang walang nangyari ang lalaki.
Ayon sa mga traffic enforcer sa lugar, mga kabataang-kalye na nanghahablot ang nakikita nila sa lugar pero kakaiba raw ang lalaki sa video.
"'Yung pananamit niya maayos eh tapos pormal siya pumorma. 'Yung usually nakikita namin dito na bata madudungis ang itsura," ayon kay Danilo Monocay, Pasay City law enforcement.
Aminado naman ang ilang motorista na nangamba sila sa nakita sa ginawa ng lalaki sa video.
Gayunman, kapag nalagay sa katulad na sitwasyon, pinayuhan ng pulisya ang motorista na huwag basta lalabas ng sasakyan.
"At the moment na ikaw ay bumaba ng iyong sasakyan, meron naman siyang mga kasama, it's either kukuha ng mga gamit mo sa loob or the worse 'yung kotse mo mismo ang kakanain," sabi ni Police Superintendent Gene Licud, ACOPA-Pasay PNP
Dagdag pa niya, "Tingnan muna 'yung paligid kung merong pulis o traffic enforcer kahit 'di ka bumaba ng sasakyan kunin mo atensyon nila para lumapit sa iyo." -- FRJ, GMA News
