Kinumpiska ng mga awtoridad ang aabot sa 800 kilo ng karne ng kalabaw Balintawak Market dahil wala itong permit.
Sa ulat ng Unang Balita nitong Biyernes, sinabi ng mga tauhan ng National Meat Inspection Service (NMIS) nakumpiska nila ang mga karne na nagkakahalaga ng P160, 000 pasado alas-onse ng gabi noong Huwebes.
Pahayag ni Doctor Rolando Marquez, hepe ng enforcement section ng NMIS, nagro-routine inspection sila sa Balintawak Market at naaktuhan nilang nagbababa ng karne ang isang trak.
Walang naipakitang permit ang nag-deliver ng karne at ang tanging permit na hawak ng may-ari ay galing sa lungsod ng Maynila.
Ayon sa NMIS, dapat sa Maynila siya nagbagsak at hindi sa Balintawak sa Qeuzon City.
Nalabag umano ng may-ari ang inspection code of the Philippines sa ginawa niya.
Pinaalalahanan ng NMIS ang mga nagbebenta ng karne na kumuha ng kumpletong mga permit at sumunod sa batas.
Ang mga kinumpiskang karne ay pansamantalang dadalhin sa opisina ng NMIS habang iniimbestigahan pa ang kaso.
Kapag napatunayan na lumabag nga sila sa batas ay makukumpiska itong tuluyan at maaaring magmulta ang may-ari.
Tumangging humarap sa camera ang receiver umano ng karne.
Depensa niya, sumaglit lang naman daw sila sa Balintawak upang magbaba ng taba ng baka bago dumiretso sa Maynila para ibaba ang mga karne ng kalabaw. —LBG, GMA News
