Isang bangkay ng babaeng negosyante ang natagpuan sa apartment na kaniyang tinutuluyan sa Maynila nitong Linggo. Nadiskubre ang labi ng biktima na nakatali at may busal sa bibig nang may maamoy na masangsang ang mga kapitbahay.


Sa ulat ni Mav Gonzales sa GMA News TV “Balita Pilipinas” nitong Lunes, kinilala ang biktima na si Ria Chang. Nakatali ang kaniyang mga kamay at paa, may busal ang bibig at manas na ang katawan nang makita sa kaniyang apartment sa Lerma, Maynila.

Nadiskubre ang bangkay ni Chang matapos humingi ng tulong ang kaniyang mga kapitbahay sa pulis dahil sa umaalingasaw na amoy mula sa apartment ng biktima.

"May naamoy na raw silang masangsang nga. So siyempre inaano nila na baka nga daga. Naamoy lang nila, ti-nrace nila. Pinuntahan ng mga kapitbahay, inano, wala naman silang nakita. Nakita nga nila, naka-padlock 'yung sa kapatid ko. Sinilip na nila sa bintana. May nakitang katawan,” ani Raquel Balitus, kapatid ng biktima.

Ayon sa mga kapitbahay ni Chang, Biyernes nang huli nilang makitang buhay ang biktima.

Wala namang maisip ang pamilya ni Chang kung sino ang maaring gumawa ng karumal-dumal na krimen dahil wala raw kaaway ang biktima na may-ari ng isang general merchandise store.

Hinala ng mga awtoridad, tinangkang holdapin ang biktima na nauwi sa krimen.

Umaasa ang kapatid ng biktima na mabibigyan ng hustisya ang pagkamatay ni Chang.

Inaalam pa ng mga pulis kung sino ang nasa likod ng pagpatay. -- Llanesca T. Panti/FRJ, GMA News