Iginiit ng isang deputy collector ng Bureau of Customs (BOC) na nakita niyang "may laman" ang mga magnetic lifter nang idaan sa x-ray machine ng aduana at kinalaunan ay nakitang inabandona sa isang bodega sa Cavite. Hinala ng Philippine Drug Enforcement Agency, na shabu ang laman ng mga lifter na aabot sa P6.8 bilyon ang halaga; pero taliwas ang paniwala rito ng pinuno ng BOC.
Sa panayam ng Dobol B sa News TV nitong Miyerkoles, kay Attorney Ma. Lourdes Mangaoang, Deputy Collector for Operations and Assistant Project Manager of CMTA PMO, sinabi nito na nakita niya sa imahe ng x-ray scan na tila may ulap sa loob ng mga lifter na indikasyon na may laman ito.
Kumpara umano sa isang lifter na dumating noong Agosto 13 na malinaw ang loob nang isalang sa X-ray scan, kapansin-pansin umano na may tila ulap sa bahagi ng mga lifter na nakita kinalaunan sa General Mariano Alvarez, Cavite.
"'Yung X-ray natin kaya niyang mag-penetrate ng 11 inches of steel. Pumunta po ako sa Cavite, mineasure ko ang kapal niya, one and a half inches lang siya. Kitang-kita, kaya nga kitang-kita eh... You don't have to be an expert, you don't have to be an X-ray operator, you, an ordinary person can see (na) may laman 'yan (magnetic lifters)," giit ni Mangaoang.
Pero dati nang sinabi ni BOC Commissioner Isidro Lapeña na walang laman ang mga lifter at walang nakitang latak ng droga nang isagawa ang pagsusuri sa mga bakal.
Ang pahayag ni Lapeña ay kontra sa paniwala naman ni PDEA chief Aaron Aquino, na nagsabing may droga ang mga lifter dahil umupo ang kanilang aso nang ipaamoy nila ito.
Bukod dito, may mga lifter din na unang nasabat na nakitang may lamang droga.
Sabi ni Mangaoang, "Alam niyang (Lapeña) may alam ako, at alam niyang may laman, dahil... binigyan ko siya ng kopya ng X-ray image. Sabi ko, 'Sir, ito po ang klarong image... at kitang-kita po may laman yan.' Binigay ko sa kaniya ang kopya,".
Pero sa kabila nito, wala raw ginawang aksyon si Lapeña.
"Pinipilit niya talaga na wala. 'Yun ang statement na ini-issue niya. Pero pinapabayaan niya 'yung mga tao niya na magsalita, sinasabing walang laman, pero siya mismo, nagsasabi na walang laman 'yan despite after the fact na sinabi ko sa kaniya, 'May laman 'yan, sir, imbestigahan mo,'" giit ng opisyal.
"Ito shabu, wala siyang aksyon. Nagtataka ako bakit wala siyang aksyon. Shabu 'yan eh! Bakit wala siyang ni-relieve?" patuloy ni Mangaoang.
Hinala pa niya, sadyang pinalusot ang mga kargamento na hinihinalang may laman na droga.
"Noong una, ang tingin ko napalusutan sila. Pero after akong makinig sa mga istorya nila, sa mga kuwento nila, I am convinced, pinalusot ito," saad niya.
Naniniwala si Mangaoang na nakita na rin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga larawan ng X-ray scan sa mga lifter sa pamamagitan ni BOC Intelligence Group Deputy Commissioner Ricardo Aquino.
"At that time na lumabas ito sa media, wala pang ebidensyang napapakita kay Pangulo. Pero ang pagkakaalam ko in-explain na po ni Director General Aaron Aquino kay Pangulo at nagpresenta siya ng mga ebidensya at pati po itong image na ito, nakarating na rin po kay Pangulo. Kaya tahimik si Pangulo ngayon dahil sa totoo lang, ang pagkaka-alam ko din po, alam na ni Pangulo na may laman talaga 'yan," sabi ni Mangaoang.
Bago nito, nagpahayag si Duterte na "pure speculation" lang at walang patunay na may lamang droga ang mga lifter.
Hindi pa nakukuha ang reaksyon ni Lapeña kaugnay sa mga sinabi ni Mangaoang.—FRJ, GMA News
