Dinakip nitong Martes ng mga awtoridad sa bisa ng arrest warrant ang umano'y founder ng Wahana Credit Loan Corporation at isa pa niyang kasama. Pero ilang oras matapos na maaresto, nakalaya rin kaagad ang dalawa matapos maglagak ng piyansa.

Sa ulat ni Bernadette Reyes sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Miyerkoles, sinabing dinakip sa bisa ng arrest warrant na inilabas ng Las Piñas Regional Trial Court Branch 201 sina si Maria Lyzer Soler, umano'y founder ng Wahana Credit Loan Corporation at si Mharina Pelagio.

Inaakusahan sila na sangkot sa panloloko na aabot sa milyong-milyong pisong halaga ng puhunan na ipinasok ng mga pulis jail guard, sundalo, negosyante at mga overseas Fililipino worker.

Ayon sa mga biktima, naengganyo silang maglagak ng pera sa kompanya na nagpapautang raw sa mga casino dahil sa pangakong tubo o interes na 28 hanggang 35 porsiyento bawat buwan

Pero bigla umanong nagsara ang kompanya at hindi na naibalik ang milyon-milyong pisong ipinasok na puhunan ng mga investor.

Matapos maaresto, nakalaya rin kaagad  sina Soler at Pelagio nang magpiyansa nang mahigit P400, 000 ang kanilang mga abogado.

Tumangging magbigay ng pahayag ang dalawa, gayundin ang pulisya.

Noong isang linggo, naaresto rin ng Las Piñas Police ang labing-isang tauhan ng Wahana.-- Joviland Rita/FRJ, GMA News