Nagsalita na ang dating alkalde ng Allacapan, Cagayan tungkol sa mga alegasyon kaugnay ng kaniyang viral video sa social media na nagpapakita na isang lalaki ang humahabol sa isang Sports Utility Vehicle (SUV). Giit niya, hindi iyon isang “gas-and-run” incident kung hindi “kulitan” lang nila ng kaniyang kaibigan na hindi isang gasoline station attendant.
Sa ulat ni CJ Torida sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Huwebes, sinabi ng dating alkalde na si Harry Florida, na mali ang mga lumabas na impormasyon tungkol sa video na hindi umano nagbayad ang driver ng SUV matapos magpakarga ng krudo kaya hinabol ng lalaking attendant ng gas station ang sasakyan.
Ayon kay Florida, siya ang may-ari ng gas station at hindi totoo na nagpakarga siya ng krudo sa sasakyan nang sandaling iyon.
Sinabi pa ng dating alkalde na ang lalaking humahabol sa kaniyang sasakyan na si alyas “Tyson,” ay nakatira sa kanilang pamilya sa loob ng tatlong dekada matapos nilang kupkupin nang pumutok noon ang Mt. Pinatubo.
“Si Tyson kasi sidekick. Kasa-kasama ko lang talaga,” ani Florida. “Biglang nakita kami na palabas kaya hinabol kami.”
Ang nakuhanan sa video na makikitang pinapahabol si Tyson ay bahagi lang umano ng kanilang kulitan.
“Kung minsan, nagkukulitan kami niyan. Daming mga kulitan, dami naming ginagawang vlog. Daming ginagawang eksena,” paliwanag niya.
Sa kabila nito, humingi ng paumanhin si Florida sa mga hindi nasiyahan sa mga nakapanood ng video.
“Pasensiya na po kung sa mata ng iba ay hindi po nakakatuwa sa inyo. Pero ‘yun po ay sa aming dalawa po ‘yun. Sa amin po ‘yun,” pahayag niya. “Wala po tayong magagawa kung ganun po ang inyong pananaw. Eh, humihingi po tayo ng paumanhin.”
Dahil sa naturang video, nauna nang naglabas ng show cause order laban sa tatlong sakay ng SUV ang Land Transportation Office—kabilang si Florida.
Sinuspinde rin ng 90 araw ang lisensiya ng driver ng SUV at inilagay sa “alarma” ang sangkot na sasakyan habang isinasagawa ang imbestigasyon.
Igagalang umano ni Florida ang magiging desisyon ng ahensiya ng pamahalaan tungkol sa usapin.
“Kung anuman ang parusa na gagawin ng ating gobyerno sa amin dahil lang sa maling video na ‘yun ay nasa sa inyo na po ‘yun. Nirerespeto namin kung anuman ang magiging pasya namin dahil ako rin po ay naging public servant,” hsaad niya.
Nilinaw din ng dating alkalde na pinasakay din nila si Tyson nang araw na iyon sa video at isinama nilang magmiryenda. – FRJ GMA News
