Inirereklamo ng isang ginang ang ginawang pag-aresto ng apat na pulis-Pasig sa kaniyang mister sa kanilang bahay nang wala umanong warrant. Ang isang pulis na kasama sa operasyon, lasing umano, bagay na itinanggi naman ng mga awtoridad.

Sa ulat ni JP Soriano sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, ipinakita ang kuha ng video nang arestuhin ng mga awtoridad ang isang lalaki na sangkot umano sa pagbebente ng droga.

Bagaman magulo ang kuha ng video, madidinig naman ang pagmamakaawa ng misis ng lalaki at pagpuna sa isang pulis na umano'y lasing.

Sa huli, wala nang nagawa ang suspek at kaniyang mga kaanak nang tuluyang dalhin sa police station ang lalaki, na umano'y nagbenta ng droga sa buybust operation.

Nang makausap ng GMA News ang misis ng lalaki, itinanggi niya na sangkot sa pagbebenta ng droga ang kaniyang mister.

Ayon pa sa ginang sinabihan siya ng mga pulis na magugulat na lang sa ebidensiya kapag sinampahan na ng kaso laban sa kaniyang mister.

Nangangamba ngayon ang ginang sa kaligtasan ng kaniyang mister sa piitan na nakaranas daw ng pananakit sa mga pulis.

Sa presinto, itinanggi rin ng lalaki na nagtutulak siya ng droga. Bagaman dati raw siyang gumagamit ng bawal na gamit, matagal na raw siyang tumigil kaya negatibo ang resulta ng kaniyang drug test.

Gayunman, itinanggi ng pulisya ang mga alegasyon na sinasaktan nila ang suspek na nasa drug watchlist umano. Hindi rin daw tinaniman ng ebidensiya ang lalaki.

Paliwanag ni Police Superintendent Juvenal Estrira Barbosa, Deputy Chief of Police, Pasig City, na inaresto nang warrant ang suspek dahil buybust ang nangyaring operasyon.

Wala rin umanong katotohanan na lasing ang isang pulis nang magsagawa ng operasyon.

Hindi rin umano maiiwasan na masaktan ang suspek na inaaresto kapag nagpupumiglas ito.

Sa police report, apat na piraso ng umano'y shabu ang nakumpiska sa lalaki. --FRJ, GMA News