Hindi na nakatanggi pa ang tatlong security guard matapos silang maaktuhang bumabatak ng ilegal na droga sa loob mismo ng kanilang barracks sa Cubao, Quezon City nitong Martes ng gabi. Ang pulisya, nabahala na may mga sekyu na gumagamit ng droga dahil may mga baril ang mga ito.
Sa ulat ni Darlene Cay sa GMA News "Balitanghali" nitong Miyerkoles, kinilala ang mga suspek na sina Romeo Calma Jr., Jonnel Alvaro, at Noriel Yturiaga.
"Actually reported po ito at 'yung ating isinagawang operasyon through Oplan Galugad is resulta po nitong information na ibinigay sa atin," ayon kay PSupt. Giovanni Caliao, QCPD Station 7 chief of police.
Bagaman naaktuhan na gumagamit ng droga, idinahilan nila na unang pagkakataon lang daw nila itong ginawa at nakatuwaan lang nila.
"Ano po 'yun, mga bayaran po 'yun, nagpa-follow up ng ano dito, magbabayad daw. Sinamahan namin dito sa boarding house po," sabi ng isang suspek.
"Dumating po kasi dalawang babae dito kasama po niya, nakapahinga na po kami galing trabaho. Tapos po bigla pong dumating sila sir, mga pulis," saad naman ng isa pang suspek.
Pero hindi kumbinsido ang mga pulis sa paliwanag ng mga suspek.
"On and off 'yung kanilang, siguro 'pag may available lang na droga and based doon sa pagtatanong ko sa kanila is hindi naman regular 'yung kanilang paggamit ng ilegal na shabu," sabi ni Caliao.
Nakuha mula sa mga suspek ang isang pakete ng hinihinalang shabu, ilang drug paraphernalia at isang walang laman na sachet na pinaghihinalaang nagamit na ang laman na droga.
Sinabi ng pulisya na hindi biro na makahuli ng mga security guard na gumagamit ng droga.
"Medyo alarming po dito, considering nga po na ito'y mga security guard and sila po ay may mga kaniya-kaniyang issued na firearms habang tumutupad sa kanilang tungkulin," sabi ni Caliao. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News
