Nakakuha ng CCTV footage ang mga awtoridad na magpapalakas daw sa kasong isinampa nila laban sa isang padre de pamilya na siyang utak umano sa brutal na pagpatay sa kaniyang mag-ina sa Sta Rosa, Laguna noong 2016.

READ: Mag-ina sa Sta. Rosa, Laguna, sadyang ipinapatay daw ng 'mastermind' sa krimen

Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, ipinakita ang CCTV footage na nakuha malapit sa isang fast food sa Muntinlupa noong 2016 kung saan nagkita umano ang amang suspek na si Ricardo Sta. Ana, at ang dalawang suspek na sina Ramoncito Gallo at Brian Avestado.

Nauna nang nadakip sina Gallo at Avestado na umamin sa pagpatay sa mag-ina ni Sta. Ana na sina Pearl at dalawang-taong-gulang nilang anak na si Denzel.

Pinaslang ang mag-ina sa loob ng kanilang bahay sa pamamagitan ng pagpalo ng martilyo at hinalay pa ang ginang.

Matapos na madakip, inamin din ng dalawa na inupahan sila ni Sta. Ana na patayin ang mga biktima kapalit ng P60,000.

Kinumpirma ng dalawa na mula sa Laguna, nagtungo sila sa Muntinlupa at nakipagkita kay Sta. Ana sa fast food para ibigay ang kopya ng video sa pagpatay sa mga biktima at makuha ang kabuuang bayad sa ginawa nilang krimen.

"Itong CCTV na 'to, ito yung magpapatunay o magsu-support doon sa statement ng dalawang suspect na nag-meeting sila sa isang fast food diyan sa Muntinlupa," ayon kay Atty. Daniel Daganzo, hepe ng NBI-Laguna District Office.

Bukod sa video, hawak na rin ng pulisya ang umano'y middleman na si Alyas Toto, na nagpakilala kay Sta. Ana sa dalawang suspek na pumatay sa mag-inang biktima.

Ayon kay Toto, personal niyang nakaharap si Sta. Ana na nagpakilalang Alyas Jeff sa isang pilahan ng tricycle sa Muntinlupa.

Sinabi umano ni Sta. Ana na mayaman ang nakatira sa bahay na papasukin at magiging bonus nila ang ano mang gamit na kanilang kukunin.

Nitong Miyerkules, isinampa nang mga awtoridad sa piskalya ang panibagong reklamong double parricide laban kay Sta. Ana bilang mastermind sa pagpatay sa kaniyang mag-ina.

Hinikayat naman ni Police Sr. Superintendent Eleazar Mata, Provincial Director, Laguna PPO, si Sta. Ana na humantad at ibigay ang kaniyang panig.

Sinisikap pa ng GMA News makuha ang pahayag ng kampo ni Sta. Ana. -- FRJ, GMA News