Nahuli-cam ang away ng 'di bababa sa 40 kabataan sa Barangay 404, Sampaloc, Maynila.
Sa ulat ni Oscar Oida sa "24 Oras" nitong Miyerkules, nagpang-abot ang mga "batang Quiapo" at "batang Balic" pasado alas dose ng hatinggabi noong November 17.
Sa cellphone video, makikitang nagtatakbuhan ang ilang kabataan habang hinahabol at pinagbabato sila ng kabilang kampo.
Maya-maya, nakatawag sila ng resbak at sila naman ang sumugod sa grupong nanghabol sa kanila.
May mga bitbit pang armas ang mga kabataan. Ang isa, may dala pang katana na iwinawasiwas habang naghahamon ng away.
Tinatayang walong taong gulang daw ang edad ng isa sa mga pinakabatang kasali sa naturang gulo. Mayroon ding mga babae.
"'Yung isang babae nakahiga na po sinasabunot-sabunutan po," sabi ng saksing si Sid de Viterbo.
Natamaan pa raw ng bato sa mukha ang isa sa mga nakipag-rambol.
Hindi nagpaawat sa mga sumasaway na residente ang mga kabataan at tumigil lang nang dumating na ang police mobile.
Aminado ang pamunuan ng barangay na kulang ang kanilang mga tanod kumpara sa bilang ng mga sangkot sa gulo.
"Normally dalawa lang 'yung rumoronda, so kung sakaling harapin 'yun ng mga tanod maaring kuyugin sila... baka mabugbog sila," ayon kay Vangie Marquez, kalihim ng Barangay 404.
Ilang sasakyan ang tinamaan sa batuhan, at ang hagdang ibinalibag ng mga nagrambol, nakabitin pa rin sa kawad ng kuryente.
Nangangamba ang mga residente na baka maulit pa ang kaguluhan lalo pa't may mga nasaktan.
Nangako naman ang Sampaloc Police na hihigpitan ang pagbabantay sa lugar pero pakiusap nila sa mga magulang, bantayang maigi ang mga anak para makaiwas sa mga gulo. —Dona Magsino/ LDF, GMA News
