Naniniwala ang Philippine Drug Enforcement Agency na galing din sa mga nakalusot na magnetic lifter na naglalaman ng droga ang shabu na nakumpiska sa iba't ibang lugar sa Metro Manila, at maging hanggang sa Maguindanao.
Sa pulong balitaan nitong Martes, sinabi ni PDEA spokesperson Derrick Carreon na ang nakumpiskang mga shabu mula sa Ayala, Alabang, Sta. Cruz, Manila, at maging sa Maguindanao, at ang nasabat na droga sa magnetic lifters sa Manila International Container Port (MICP) noong Agosto ay .99 na may pagkakatulad.
Nasa 500 kilo ng shabu ang nakita sa loob ng nasabat na magnetic lifters sa MICP, pero tinatayang mas marami at aabot sa mahigit isang tonelada ang nakalusot na droga na nasa loob ng mga nakalabas na apat na magnetic lifter.
"Dun natin nakita na may semblance, meaning they came from the same source and same manufacturer," sabi ni Carreon.
Naniniwala ang PDEA na ang mga shabu na nasabat sa mga magnetic lifters sa MICP ay bahagi ng mas malaking shipment ng droga na nakalusot matapos makita ang apat na magnetic lifters sa Cavite na wala nang laman.
Naninindigan ang PDEA na may droga ang mga nakalusot na magnetic lifters dahil sa pag-upo ng kanilang K-9 dog nang ipaamoy ang mga lalagyan.
Ayon kay Carreon, patuloy ang ginagawang paghahanap ng PDEA sa mga nakalusot na droga at mga taong nasa likod nito.
Idinagdag ni Carreon na konektado rin ang mga magnetic lifter na nakita sa MICP at Cavite, "since the bill of lading of the lifters nabbed in MICP also showed that its destination is also the Cavite warehouse." — FRJ, GMA News
