Lumikha ng kasaysayan at naghahatid ngayon ng inspirasyon ang isang 22-anyos na lalaking Aeta, matapos siyang makapasa sa licensure examination at maging kauna-unahang Aeta na medical technologist sa Pampanga.
Sa ulat ni JP Soriano sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, ipinakilala si Rolan Popatco Jr., na nakapasa sa March 2026 Medical Technologist Licensure Examination.
Kinumpirma ng Provincial Social Welfare and Development Office na si Rolan ang kauna-unahang Aeta na naging lisensyadong MedTech sa buong Pampanga.
“Masaya ako na naging licensed na ako since hindi lang siya para sa akin, hindi lang siya para sa pamilya ko, kundi para sa community ko,” sabi ni Rolan.
Sa kabundukan lumaki si Rolan at nakipagsapalaran sa kapatagan upang makapag-aral. Nakapagtapos siya sa kursong Bachelor of Science in Medical Technology, sa tulong na rin ng iba't ibang scholarship grants mula sa pamahalaan.
Sabay sa pag-aaral, binabalanse rin ni Rolan ang paglilingkod bilang SK chairman sa kanilang lugar.
Sumagi na rin sa isip ni Rolan na sumuko, ngunit bumabalik ang lakas ng kaniyang loob tuwing naaalala ang kaniyang komunidad.
Pangarap ni Rolan na maging doktor upang matulungan at makapagbigay ng serbisyo medikal sa kanilang komunidad sa bundok.
Kasalukuyang naghahanap ng scholarship grant si Rolan para maipagpatuloy ang pag-aaral ng medisina.
“Pagdating ko doon sa exam, wala akong ibang inisip—na pagkatapos nito tutulong ako nang malaki, hindi lang para sa akin, kundi pati na rin sa mga kapwa ko na Aeta,” sabi ni Rolan. —Jamil Santos/VBL GMA Integrated News
