Gaganap si Herlene Budol bilang ang kaniyang sariling ina na si Lhen Timbol, na may masalimuot na kuwentong pag-ibig sa upcoming episode ng “Magpakailanman.”

Sa Chika Minute report ni Athena Imperial sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, sinabi ni Herlene na dahil sa role niyang ito, mas naintindihan pa niya ang pinagdaanan ng kaniyang ina.

“Hindi pala talaga naging madali ‘yung buhay ni mama. Longing siya sa love. At tsaka longing siya sa talagang makakasama niya habambuhay. Ayoko pala siyang i-judge kagaya ng pangja-judge ng ibang tao sa kaniya,” sabi ni Herlene.

Sa kabila ng pagiging masalimuot ng buhay ni Mommy Lhen pagdating sa pag-ibig, lalabas pa rin sa kuwento ang pagiging kuwela nito.

“Mas kalog siya, mas nakakatawa siya. Sabi ni direk, ‘O eh ‘di i-light lang natin 'yung mga ibang eksena na hindi naman kailangan i-heavy,” ani Herlene.

Si Mama Lhen, aarte rin sa episode bilang ang ina naman nito, na siyang lola ni Herlene.

“‘Yung mama niya, magiging siya dito. First, acting na may lines. Kasi lagi ko siyang pinapasingit, ‘O ‘Ma tumayo ka lang diyan.’ Tsaka may TF siya dito,” sabi ni Herlene.

“Gumanap ako sa role ng nanay ko at sa totoo lang, ang laging habilin ng nanay ko sa akin, pagbutihin ko 'yung pag-aaral ko, huwag akong maglakwatsa, magbarkada, pero parang lahat ‘yun, nasuway ko eh,” sabi ni Nanay Lhen.

Sa dami ng pinagdaanan ni Mama Lhen sa kaniyang love life, natanong si Herlene kung ano ang komento nito tungkol kay Kevin Dasom, na napaulat na nanliligaw kay Herlene.

“‘Haha’ lang siya. ‘Yes,’ ‘Yeah.’ Sabi naman ni mama sa akin, matured naman, ganiyan. Si mama hinahayaan naman kaming mag-desisyon din. Kumbaga, 'yung mga binibigay niyang mga payo sa amin, nakadepende pa rin sa amin 'yung final answer,” sabi ni Herlene. —Jamil Santos/VBL GMA Integrated News