Itinalaga ni Pangulong Rodrigo Duterte si Associate Justice Lucas Bersamin bilang bagong Punong Mahistrado ng Korte Suprema.

Ayon kay Justice Secretary at Judicial and Bar Council ex-officio member Menardo Guevarra, inilabas na ng Office of the Executive Secretary nitong Miyerkules ang appointment papers ni Bersamin.

Papalitan ni Bersamin, 69-anyos, bilang pinuno ng SC ang nagretirong si Teresita Leonardo-De Castro.

Mananatili si Bersamin na naturang posisyon hanggang sa Oktubre 18, 2019, pagsapit ng kaniyang mandatory retirement age na 70.

Sa 32 taon niya sa serbisyo, si Bersamin ang pinaka-senior SC Justice sa hudikatura, at ikatlong most senior magistrate sa SC.

Nakalaban ni Bersamin sa nominasyon sa naturang posisyon sina Senior Associate Justice Antonio Carpio at Associate Justices Diosdado Peralta, Estela Perlas-Bernabe at Andres Reyes Jr.

Tubong-Abra si Bersamin na naging bahagi ng hudikatura noong November 1986 nang maitalaga siyang Quezon City trial court judge. Umangat ang puwesto niya sa Court of Appeals noong March 2003, at naitalaga sa SC noong April 2009 ni dating Pangulo at ngayo'y Speaker Gloria Macapagal-Arroyo.

Nagtapos siya ng abogasya sa University of the East noong 1973, at nasa ika-siyam na puwesto sa Bar Examinations nang nabanggit na taon.

Bumoto siya pabor sa paglibing kay dating Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani, at sa petisyon na patalsikin sa puwesto bilang chief justice si Maria Lourdes Sereno sa pamamagitan ng quo warranto.

ALAMIN: Paano bumoto si bagong CJ Lucas Bersamin sa ilang high-profile cases

Siya ang nagponente ng desisyon ng SC na pawalang-sala si Arroyo sa kasong pandarambong, at isa sa mga bumoto para payagang makapagpiyansa si dating Senate President Juan Ponce Enrile, na nahaharap sa kasong pandarambong kaugnay ng pork barrel scam.-- FRJ, GMA News