Isang lalaki ang nasawi matapos pagsasaksakin ng kagawad dahil sa kanilang alitan sa pautang umano sa Arevalo, Iloilo City.

Sa ulat ni Jonathan Andal sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, mapanonood sa CCTV ang tila pakikipagsagutan ng lalaking nakasuot ng dilaw habang nangongolekta ng mga lalagyan ng tubig sa Barangay Santa Filomena noong Huwebes.

Ilang saglit pa, biglang tumakbo ang lalaki matapos may humabol sa kaniya. Hindi na nakunan sa camera, ngunit pinagsasaksak na pala siya ng isang kagawad.

Samantala, isa pang lalaki na tauhan umano ng suspek ang humawak sa biktima nang maganap ang krimen.

"Nagtatalo sila. Iyon ang nangyari bago tumakbo dito sa unahan ng mesa, iyon na, sinaksak niya. Ang liit-liit ng kutsilyo, parang ganito kahaba," sabi ng isang saksi.

Dead on arrival sa ospital ang biktima, na nagtamo ng mga saksak sa kili-kili at balikat.

Sinabi ng live-in partner ng biktima na siyam na taong nagtrabaho ang biktima bilang kolektor sa negosyong pautang ng kagawad na suspek.

Gayunman, dalawang taon na umanong resigned ang biktima at madalas umanong hina-harass ng suspek.

"Plano ko na magsampa kami ng kaso. Hindi puwedeng patawarin. Hindi mabuti ang ginawa niya. Humingi pa ng tulong ang partner ko, hindi pa rin niya tinigilan. Pinatay niya,” sabi ng live-in partner ng biktima.

Kasama sa iniimbestigahang motibo sa krimen ang alitan umano dahil sa negosyong pautang.

"Wala pa tayong specific details kung kailan at paano iyan nangyari kasi allegedly, sinumbatan raw ng kagawad ang biktima," sabi ni Police Captain Michael Tuburan, hepe ng Iloilo City Police Station 6.

Patuloy ang pagtugis sa mga suspek na posibleng maharap sa reklamong murder.

Handa umanong tumulong ang punong barangay para sa pagsuko ng suspek. — Jamil Santos/VBL GMA News