Nahuli-cam ang pananaksak ng isang motorcycle rider sa mga sakay ng isa pang motorsiklo dahil umano sa away-kalsada sa Taguig. Pero hindi lang ang suspek ang inaresto kung hindi maging dalawang biktima na may nakabinbin palang mga arrest warrant.

Sa ulat ni Oscar Oida sa 24 Oras nitong Biyernes, mapanonood ang video ng pag-unday ng saksak ng suspek na rider gamit ang screwdriver sa dalawang nakasakay sa isa pang motorsiklo.

Matapos ang ginawang pananaksak, naglakad palayo ang suspek pero naaresto siya ng mga nagpapatrolyang pulis sa lugar.

Sugatan pero buhay ang mga biktima dahil hindi umano bumaon sa katawan ang mga saksak sa kanila.

“Naramdaman ko po pero hindi nagpa-puncture po. Kaya sabi ko parang screwdriver. Halos mamatay ako kung kutsilyo, patay ako. Nakikita ko meron dito sa dibdib ko sa puso, dalawa sa tiyan, meron tagiliran,” sabi ng biktima na unang dinala sa presinto para kunan lang sana ng pahayag.

Ayon sa kanila, nagsimula ang kanilang away nang maharangan ng suspek ang dinaraanan nila sa may Kalayaan Avenue, Taguig nitong Huwebes ng hapon.

“Na-block ang dalawang way, dalawang sasakyan. Kaya sobrang init. Lahat po binubusinahan, pati lahat ng mga nakamotor. Kaya ngayon, ginawa ko, nag-rev po ako nang malakas para mapansin niya. Nung pag-rev ko sakto, ayun na, *** niya ako,” sabi ng isa pang complainant.

“Kinumpronta lang namin, ‘Bakit mo kailangan maggano’n. Tapos nagpalitan ng salita. So nagpa-awat kami, okay na. Tahimik na po, wala na pong nagsasalita. Hinihintay na lang namin mag-go. Bigla siyang ini-stand niya 'yung motor niya, binuksan niya 'yung compartment, kinukuha niya 'yung screwdriver,” sabi ng isang biktima.

Itinanggi ng suspek na nag-dirty finger siya, at pinagbantaan umano siya kaya niya sinugod ang dalawa.

“Gawa po nu’ng galit na sinabi sa akin na huwag daw po akong liliko. May kakalagyan daw po ako. Pero ‘yun lang po ‘yun eh. Hinataw na po ako ng helmet eh. So dinepensahan ko po,” sabi ng suspek.

Agad ikinasa ang kasong dalawang countng frustrated homicide at illegal possession of deadly weapon laban sa suspek.

Ngunit nang suriin ng pulisya ang record ng mga biktimang complainant, nadiskubreng mayroon pala itong mga warrant.

“Nalaman po namin through e-warrant system natin ng PNP na meron po silang unserved at active warrant. 'Yung po isang biktima natin may dalawang standing warrant, isang theft at isang carnapping, habang 'yung isang namang biktima natin din ay may kasong frustrated homicide,” sabi ni Police Captain Melvin Garcia, Chief of Investigation ng Taguig Police.

Sinabi ng dalawa na napagsilbihan na umano nila ang sintensiya sa mga nasabing kaso.

“Kami po ang nag-serve ng warrant. Kami po 'yung magre-return warrant sa court. Malalaman din po namin dito kung ano po ang status ng warrant na na-serve nila o naibigay nila. Pero sa ngayon, pasamantala, sila po ay i-hold muna namin,” sabi ni Garcia. – Jamil Santos/FRJ GMA News