Nagpasaklolo rin pala sa mga awtoridad ang taxi driver na natusok ng toothbrush sa mata ng kaniyang pasahero na kaniyang sinaktan at hinoldap. Ang suspek, nagpanggap na nabiktima siya ng holdap.

Sa ulat ni Athena Imperial sa GMA News "Saksi," sinabing siyam na beses tinahi sa mukha ang tinamo ng babaeng biktima dahil sa mga tinamong sugat matapos na hatawin umano ng tubo ng driver ng taxi na kaniyang nasakyan sa Quezon City.

Nakaligtas ang biktima nang makahawak siya ng sepilyo mula sa kaniyang bag na pinantusok sa mata ng suspek na driver na nakilalang si Zaldy Macatiag.

Tuluyang nakatakas ang biktima at nadala sa ospital ng nakakita sa kaniyang tricycle driver.

Ang suspek naman na si Macatiag, napag-alaman ng Quezon City police na humingi ng tulong sa Traffic Sector 5 para madala siya sa ospital dahil sa tinamong sugat sa mata.

"Tinawag lang sa atin ng FEU hospital na may biktima doon ng alleged holdup. So, nagpunta investigator natin," ayon kay Police Superintendent Rosell Cejas, hepe ng QCPD-Station 4.

Matapos nilang kunan ng litrato ang driver na nagpakilalang "biktima," ipinakita ng mga pulis ang larawan nito sa tunay na biktimang babae na kaniyang pasahero.

Ayon kay Cejas, positibong kinilala ng babae na ang driver ang nangholdap at namalo sa kaniya.

Tuluyan nang nadiin si Macatiag nang makita sa taxi niya ang mga gamit ng biktima.

Tumangging magbigay ng pahayag ang suspek na nahaharap sa mga kasong robbery at frustrated murder.

Aalamin naman ng pulisya kung may iba pang nabiktima si Macatiag.-- FRJ, GMA News