Patay matapos daw manlaban sa mga pulis ang dalawang lalaki na kasama umano sa grupong nanloob sa isang tindahan sa Quezon City nitong Biyernes ng madaling araw.
Sa ulat ni Bam Alegre sa GMA News TV "Balitanghali," sinabing walang pagkakakilanlan sa dalawang lalaki na napatay ng mga tauhan ng QCPD-Station 6 sa AFP Road sa Barangay Holy Spirit.
Dakong 2:00 a.m. umano nang looban ng nasa anim na lalaki ang sari-sari store sa Republic Avenue. Kaagad na rumesponde ang mga pulis nang makatanggap ng impormasyon sa nangyaring krimen at nasukol ang dalawa.
Nakatakas naman ang iba pa nilang kasamahan na pawang sakay daw ng mga motorsiklo.
Nakuha sa dawalang suspek ang dalawang baril, pero hindi na nabawi ang P5,000 kita ng tindahan at cellphone ng bantay ng establisimyento na maaaring dala umano ng mga suspek na nakatakas.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulis at pagtugis sa iba pang suspek.--FRJ, GMA News
