Patay ang isang lalaki sa San Jose Del Monte City sa Bulacan nang manlaban umano sa mga pulis sa isang buy-bust operation, ayon sa ulat ni Vonne Aquino sa 24 nitong Linggo.
Sinugod ng mga pulis ang bahay ng suspek na si Jeson Odal sa Barangaay Bagong Buhay hanggang nauwi ito sa pag-alingawngaw ng mga putok ng baril.
Sa huli, patay ang target sa buy-bust dahil sa tama ng baril.
Nabilhan si Odal ng P500 na halaga ng shabu ng isang nagpanggap na buyer pero natunugan ng suspek na pulis ang kaniyang katransaksyon kaya tumakbo siya papasok sa bahay para kumuha ng baril at nagsimulang magpaputok sa mga pulis.
“Ang bahay na yun actually ay isa sa mga bahay na tinatambayan niya. Palipat-lipat kasi ng location itong suspek na ito,” sabi ng hepe ng San Jose Del Monte Police na si Police Superintendent Orlando Castil Jr.
Nakuha sa suspek ang caliber .38 na baril.
Naghihinagpis naman ang mga kaanak niya, lalo na’t buntis pa naman ang kaniyang kinakasama at may mga naulila rin ang suspek na mga anak.
Nasa drug watch list si Odal na sumuko na dati sa Oplan Tokhang, ayon sa ulat.
“Siya po ang pinaggagalingan ng illegal drugs dun sa barangay at dun sa mga karatig barangay,” sabi ni Castil. — Joviland Rita/BM, GMA News
