Wasak ang harapan ng ilang naka-display na parol at nawawala ang kanilang bombilya na palamuti sana ngayong kapaskuhan sa Barangay Tunasan, Muntinlupa City. Ang itinuturong salarin, mga estudyante umano.

Sa ulat ni Athena Imperial sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Miyerkoles, inihayag ng mga residente at mga nagdaraang motorista ang kasiyahan sa mga puting parol sa Centennial Avenue dahil nakakadagdag ito sa diwa ng kapaskuhan.

"Nakadaragdag siya ng spirit ng Christmas at saka 'yung liwanag niya na natutuwa 'yung mga bata," ayon kay Grace Alvaran, isang residente.

Ngunit kapansin-pansin na ilan sa mga nakahilerang parol ang butas at nawawala ang mga bombilya.

Sinabi ng isang nakausap ng GMA News, mga estudyante ang nasa likod ng paninira at pagkuha ng bombilya.

"Binubutas po ng mga estudyante. Trip lang po," anang saksi.

Wala raw CCTV camera sa nasabing kalye, ayon sa mga opisyal ng barangay.

Sinabi ng mga awtoridad na makikipag-ugnayan na sila sa Public Order Safety Office ng Muntinlupa matapos malaman ang paninira ng mga nasabing palamuti.

Nangako naman si Lino Gutierrez, public service information head ng barangay na pababantayan na nila ang lugar.

"Ipagbibigay-alam po talaga natin du'n sa nasabing principal ng school natin para masabihan ng mga teacher 'yung mga bata," patungkol ni Gutierrez sa mga pinaghihinalang naninira ng mga parol.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News