Binaril at sinunog ng isang 77-anyos na lalaki ang dalawa niyang kapatid, edad 72 at 69, sa Marikina City dahil umano sa away sa ari-arian.
Ayon sa ulat ni Jam Sisante-Cayco sa GMA News TV "Balitanghali" nitong Lunes, nagkaroon ng alitan habang nag-aagahan noong Biyernes ang magkakapatid na sina Nilo Soriano, 77; Felecito Soriano, 72; at Enrico Soriano, 60.
Rumesponde ang mga opisyal ng barangay sa bahay ng magkakapatid at nakitang may sugat sa ulo si Nilo. Hinampas umano siya ng payong ng bunsong si Enrico.
Sumbong naman ni Enrico, pinagbabantaan ni Nilo ang kanilang buhay.
Matapos maipagamot ang sugat ng kanilang kuya ay sinabi raw ng magkakapatid na aayusin nila ang problema.
Kaya't laking gulat ng mga taga-barangay nang malamang binaril ni Nilo ang mga nakababatang kapatid kinagabihan.
Nasaksihan umano ng kasambahay ang krimen.
"Sinubukan din ng kasambahay na agawin yung baril ng suspek, hindi rin niya makaya. Pati siya pinagbantaan din so umatras na lang din," ayon kay SPO3 Aladin Alingas ng Marikina Police.
Sinunog rin ni Nilo ang kanilang bahay matapos patayin ang mga kapatid.
Agad naman siyang naaresto paglabas ng bahay dala ang ginamit niyang baril.
Na-ospital ang suspek dahil bahagyang nasunog rin ang kanyang balat pero na-inquest na siya para sa kasong double murder.
Sinubukan ng GMA News na makuha ang pahayag ng mga kaanak ng magkakapatid pero hindi sila naabutan sa bahay at sa morge. —Dona Magsino/NB, GMA News
