Dinagsa ng mga tao ang bahay ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Davao City para pumila sa nakaugalian umano nitong pamimigay ng pamasko ng pamilya. Ang haba ng pila, umabot umano sa labas ng subdibisyon.
Sa ulat ni Jandi Esteban ng RTV-One Mindanao sa "Balita Pilipinas" nitong Miyerkoles, sinabing nanggaling pa sa ibang probinsya ang ibang pumila sa Royal Valley Subdivision sa Bangkal.
Marami ang nag-aabang sa First Family at nagkaroon din ng mga pagtatanghal para hindi mainip ang mga tao.
Taun-taon na raw ginagawa ng pamilya Duterte ang pamimigay ng pamasko sa mga nagpupunta sa kanilang bahay kahit noong hindi pa pangulo ang kanilang padre de pamilya.
Si Zenaide Labayen na 80-anyos, pumipila na mula pa noong vice mayor pa lang si Duterte ng Davao City.
"Ang sabi 24 daw ng umaga. Wala pa naman pala pero hindi na kami umuwi. Dito na lang kami naghintay," sabi ni nanay Zenaide.
Pinakauna sa pila nitong 2018 si Malac Sangkula. Tinanong siya kung ano ang gusto niyang makuha mula sa first family.
"Kahit ano lang," sabi ng babae.
Unang beses namang pumila ni nanay Lolita Helicame.
"Hindi ko alam anong ibibigay ni mayor. Basta pipila lang ako dito." sabi ni nanay Lolita.
Hindi naman sila nabigo dahil nakatanggap sila ng grocery items, gift certificate, at mga pagkain.
Samantala, sa beach naman nagdiwang ng Pasko ang ibang Davaoeño.
"Tradisyon na, kahit noong bata pa kami. Nakagisnan na namin na ganito lagi," sabi ng pamilya Alvarez.
Pinaghigpitan naman ng pulisya at mga tagapamahala ng mga resort ang kanilang pagbabantay upang maiwasan ang mga kaguluhan lalo na kung may malasing.
"Nag-aabiso kami lagi na huwag magpasobra," sabi ni PO3 Edcen Alcazaren.-- FRJ, GMA News
