Nanakawan ng cellphone ng mga suspek na nakamotorsiklo ang isang babaeng call center agent na may hinihintay at abalang naglalaro ng games sa Sampaloc, Maynila.
Ayon sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Huwebes, kita sa CCTV ang pag-iikot ng tatlong suspek na pawang walang mga helmet.
Makikitang pumasok sila sa Eloisa Street at tinignan kung may bantay sa barangay hall.
Matapos nito, nilapitan na nila ang babae na nakaupo noon sa gilid ng isang convenience store at saka hinablot ng isa sa mga salarin ang cellphone nito.
Dumiretso ang mga suspek sa España Boulevard sa kanilang pagtakas.
"Naglalaro po kasi ako ng phone, pampalipas-oras lang, tapos may bigla pong dumaan na motor. Nagsuspetsa na po ako bakit ang lapit po sa akin. Kaya lang po pagtingala ko, hinablot na po 'yung phone ko," anang biktima.
Wala nang nagawa ang biktima sa sobrang takot.
Hindi pa malinaw kung may CCTV na nakakuha ng plaka ng motorsiklo.
Iginiit naman ng barangay na hindi sila nagkulang ng paalala sa mga tao sa lugar, matapos maitala noong nakaraang taon ang ilang insidente ng snatching doon.
"Sinasabihan ko na sila na huwag silang magse-cellphone sa labas. Eh nakakalimutan nila eh. Kaya reminder sa kanila, huwag silang magse-cellphone sa labas," sabi ni Celia Teodoro, chairman, Brgy. 469 Zone 46.
Nai-report ng biktima ang nangyari sa barangay at sa pulisya. Nagpasalamat ang babae dahil hindi siya nasaktan.
"Nasa maayos na paraan lang din sila maghanap-buhay kung kailangan nila ng pera, hindi naman po kailangan magnakaw," sabi ng biktima. —Jamil Santos/KBK, GMA News
