Isang batang tatlong taong gulang na dinukot sa sariling bahay nitong Sabado ang nailigtas ng kanyang ama. Nahuli na ang suspek.
Ayon sa mga pulis sa Sta. Ana Police Station Dagonoy Police Community Precinct, nangyari ang pagdukot sa bata nitong Sabado ng 7:30 ng gabi.
Sa ulat ni Vonne Aquino sa Balitanghali sa GMA News TV nitong Linggo, sinabi ng ama na bumili ang suspek sa kanilang tindahan at hindi ito nagbayad. Binuksan daw nito ang pinto at hinatak ang bata papalabas.
Narinig ng ama na biglang umiyak nang malakas ang bata.
Pagdungaw ng ama na nasa ikalawang palapag ng bahay, nakita niyang hawak ng suspek ang kanang kamay ng kanyang anak at pilit itong hinihila papalayo sa kanilang lugar sa Dagonoy Street sa San Andres Bukid sa Maynila.
Agad lumabas ang ama sa bahay at hinabol ang suspek. Nakuha niya ang kanyang anak.
Tumakbo ang suspek at pumasok sa isang bahay kung saan nakapagpalit pa ito ng damit.
Humingi agad ng tulong sa Dagonoy PCP si Asgar Datumanong, ang barangay kagawad sa lugar.
Nang mapaalis sa bahay, naaresto ng mga awtoridad ang suspek na nakilalang si Charito Fernandez, 45, na taga-San Carlos City, Pangasinan.
LOOK: 3-anyos na lalaki, nasagip mula sa isang babaeng nagtangkang dumukot sa kanya sa Sta. Ana, Maynila pic.twitter.com/FnT7lLAsHG | via @luisitosantos03
— DZBB Super Radyo (@dzbb) January 5, 2019
Ayon sa pulisya, siya rin daw ang suspek na tinukoy sa isang social media post na naging viral noong Marso 2018 na dumukot din umano sa isang menor de edad.
Sabi pa ni Police Superintendent Albert Barot, station commander ng Sta. Ana Police, inamin ng suspek na dinadala niya ang nakukuhang bata sa isang white van at binabayaran siya ng P20,000.
Nang tanungin ng media, pabago-bago ang sagot ng suspek at sinabing wala pa siyang nakidnap, ngunit inamin niyang may grupo siyang kausap.
Ang suspek ay nasa kustodya na ng Station Investigation Section.
Ang bata naman ipapa-checkup dahil sa trauma na dinanas nito.
Iimbestigahan ng mga pulis kung may kinabibilangang sindikato ang suspek at kung ilang bata na ang kanyang nabiktima.
Nanawagan naman si Barot sa mga magulang na bantayang maigi ang kanilang mga anak.
Mahaharap ang suspek sa reklamong attempted kidnapping. —KG, GMA News
