Isinuplong sa pulisya ng mismong pamilya ang isang lalaking hinihinalang tulak ng droga sa Quezon City, ayon sa ulat ni Cecille Villarosa sa "Balitanghali" nitong Linggo.

Kinilala ang lalaki na si Wenefredo Masion na taga-Barangay Culiat.

Bukod sa pagtutulak, lulong din umano paggamit ng droga si Masion.

Nang maaresto sa kaniyang bahay, nahulihan siya ng dalawang sachet ng hinihinalang shabu na tinatayang nasa P30,000 ang halaga.

Isinumbong si Masion ng kanya mismong kapatid at tatay dahil nakakaperwisyo na raw ito sa kanilang pamilya.

Ginawa pa nga raw na drug den ni Masion ang kanilang bahay.

“Kasi taon na po ma’am ang ano namin eh. Halos po hindi na ko nakakatulog sa gabi kakabantay. Kapag po kasi tulog na mga magulang ko, wala po siyang ano eh pakialam kung mapapahamak kami,” sabi ng kanyang kapatid na si Binerba Caro.

Ayon pa kay Caro, natatakot na rin  kasi sila na baka madamay pa ibang miyembro ng pamilya dahil sa iligal na gawain ni Masion.

“Para maturuan po siya ng leksyon. Galit po na may kasamang awa ma’am. Pero mas naawa ako ma’am sa anak ko ma’am eh kaysa sa kanya,” sabi ni Caro.

Inamin naman ng suspek na gumagamit siya ng droga ngunit iginiit niya na hindi sa kaniya ang mga nakumpiska.

“Pinahawak lang po yan. Pinaano lang sa 'kin. Pinahawak lang po,” depensa niya.

Pinagsisisihan na rin daw niya ang kaniyang nagawa.

Haharap sa reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act si Masion. — Joviland Rita/BM, GMA News