Patay ang gold medalist bowler na si Angelo Constantino nang pagbabarilin siya ng hindi pa nakikilalang gunman sa loob ng isang kainan sa Greenhills, San Juan nitong Biyernes ng hapon.

Ayon sa ulat ni Dano Tingcungco sa "24 Oras" nitong Sabado, dalawang tama sa ulo ang tinamo biktima.

May mga persons of interest na raw na pinagaaralan ang pulisya, pero tumanggi muna silang pangalanan ito.

Nahagip din daw ng CCTV ang hinihinala nilang suspek sa Ortigas Avenue ng bandang 4:30 p.m. bago mangyari ang insidente.

Pagbaba nito sa sa basement parking area, makikitang nagsuot muna ito ng surgical mask.

Ayon sa San Juan police, dumiretso ang lalaki sa kainan malapit sa isang bowling alley sa second floor kung saan binaril si Constantino.

Kuwento ni Senior Superintendent Dindo Reyes, hepe ng San Juan Police: "Nagpanggap ang isang customer doon ngunit siya ay naka-medical mask. At mayroong (baseball) cap na naka -ano sa kanya at nu'ng napansin niya 'yung biktima bigla na lang niya itong pinutukan."

Posible rin daw na pinlano ng suspek ang lahat, maging ang kanyang pagtakas.

Matapos barilin ng salarin ang biktima, nagpaputok pa raw ito uli para takutin ang mga empleyado ng kainan.

"Mukhang alam niya 'yung pasikot-sikot doon kasi dumiretso na siya doon sa second floor," sabi ni Reyes.

"Vital organ 'yung ulo natin kaya doon pinuntirya ng suspek na mapatay talaga 'yung ating biktima," dagdag niya.

Nagpaabot ng pakikiramay ang Philippine Bowling Federation, Inc. sa pamilya ng kampeon. — Margaret Claire Layug/MDM, GMA News